Daughters of Saint Paul

PEBRERO 19, 2020 – MIYERKULES SA IKAANIM NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 8:22-26

Pagpasok ni Jesus at ng kanyang mga alagad sa Betsaida, isang bulag ang dinala sa kanya at hiniling sa kanyang hipuin ito. Inakay ito ni Jesus sa labas ng bayan, pinahiran ng laway ang mga mata nito at ipinatong ang kanyang mga kamay. At saka niya ito tinanong: “May nakikita ka ba?” Tumingin ang tao, at sinabi nito:” Parang mga punongkahoy ang nakikita ko pero lumalakad, tiyak na mga tao ito.” Kaya agad na pinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata nito,at nakakilala siya at gumaling, at nakita nga niya nang malinaw ang lahat. Pinauwi ito ni Jesus sa pagsasabing: “Huwag kang pumasok kahit na sa nayon.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. May tamang lugar para manalangin! Sa ating mga katedral, simbahan, kapilya at silid dalanginan. Noong, bago pa lang akong madre, sa tuwing kami’y nagmimisyon, madalas umaalis na kami ng kumbento ng alas 4:00 ng umaga. Magsisimba kami sa madaraanan naming simbahan at tutuloy sa schools na bibisitahin namin para sa aming misyon. Dahil sa malayo ang lugar na aming pinuntahan, madalas bumabalik kami sa kumbento nang gabi na. Halos wala na akong tamang disposisyon para magdasal. Kinunsulta ko ang aking spiritual directress tungkol sa ganitong sitwasyon ko. Sabi nya sa akin, dapat matutuhan ko ang manalangin mula sa puso. Ibig sabihin, ano man ang ginagawa ko, saan man ako naroroon, abutan man ako ng matinding traffic sa daan, maaari akong makipag-usap sa Diyos sa kaibuturan ng aking puso, maaari akong magdasal.  Mga kapatid, totoong nakikinig ang Diyos sa ating mga panalangin kahit saan man tayo naroon. Ang buhay spiritual ay hindi instant. Sa ating matiyaga at tapat na pakikipag-ugnayan sa Diyos, hinuhubog tayo ng Spiritu Santo upang maging malalim ang ating pananampalataya. May mga bagay sa buhay natin na hindi malinaw sa simula. Nabubulag tayo ng sakit at depresyon, pero sa patuloy na pagkapit sa mga kamay ng Diyos, patuloy na pananalangin ng mga taong nagmamahal sa atin, nalalampasan natin, sa awa din ng Diyos ang mga pinagdadaanang sakit at problema sa buhay. Kung paanong inakay ni Jesus ang bulag at pinanumbalik ang paningin sa Ebanghelyo ngayon, hayaan din nating akayin tayo ni Jesus na makita ang liwanag sa kabila ng dilim. The best picture we can get of full moon is when there is total darkness as its background.  Harinawa, pagpalain tayo ng Diyos. Amen.