Isang maligayang araw ng Sabado mga kapatid kay Kristo! Pasalamatan natin ang Dios sa pagbibigay sa atin ng bagong lakas at pag-asa para sa araw na ito. Hilingin natin sa Dios ang kanyang paggabay sa atin sa lahat ng ating mga gawain. Maririnig natin sa Mabuting Balita ang tagpo ng Transpigurasyon ng Panginoong Hesus, na naganap sa Bundok ng Tabor. Pakinggan natin ito ayon kay San Markos kabanata Siyam, talata dalawa hanggang labing tatlo.
EBANGHELYO: Mk 9:2-13
Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin.
At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya . “At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila. At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay. Tinanong naman nila siya: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias? “At sinabi niya: “Mauuna ngang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit bakit naman nasusulat tungkol sa Anak ng Tao na dapat siyang magtiis nang marami at lapastanganin? Sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan, tulad ng nasusulat.”
PAGNINILAY
Sa ating ebanghelyo ngayong araw inisalaysay muli sa atin ang kuwento ng pagbabagong-anyo ni Hesus. Sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan—sa ibabaw ng bundok naging putting-puti ang kanyang damit. Matapos ang tagpong ito, nagpakita si Elias at Moises mga kilalang karakter ng lumang tipan. Magigiting na tao na mahalaga din sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Ngunit, ang rurok ng kuwento ay nang nagsalita ang tinig mula sa langit: “Ito ang minamahal kong anak, pakinggan ninyo siya.” Mga kapatid, patuloy ang paalala sa atin na tumulad tayo sa kay Hesus. Ngunit, paano nga ba mapangyayari iyon? At ito marahil ang paalala sa atin ng Ebanghelyo ngayong araw: Pakinggan natin si HESUS! Ngayon pong panahon ng pandemya at sa ating bansa nama’y panahon ng halalan, ang mahalagang pagnilayan natin ay: sino ba ang aking pinakikinggan? Hari nawa’y si Hesus ang ating pakikinggan: basahin at pagnilayan ang kanyang mga salita sa biblia, tagpuin at pakinggan siya sa ating pananahimik at pananalangin… pakinggan siya sa mga lubos na nangangailangan, mga maysakit, mga walag tinig sa lipunan, at yaong mga lubhang inaapi. Amen.