Daughters of Saint Paul

PEBRERO 19, 2024 – Lunes sa Unang Linggo ng Kuwaresma | San Conrado ng Piacenza

BAGONG UMAGA

Isang mabiyayang araw ng Lunes sa Unang Linggo ng Kuwaresma.  Purihin ang Diyos nating mahabagin, na patuloy na kumikilos sa mga taong matulungin.  Patuloy Niya tayong inaanyayahan na maging daluyan ng Kanyang biyaya at pagpapala, lalo na sa mga taong higit na nangangailangan.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t lima, talata tatlumpu’t isa hanggang apatnapu’t anim.

EBANGHELYO: Mt 25:31-46

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad:  “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel,  uupo siya sa maluwalhati niyang trono.  Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing,  gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.  Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:  ‘halikayo,  pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain,  nauuhaw ako at inyong pinainom.  …  nang may sakit ako,  binisita n’yo ako.  Nang ako’y nasa bilangguan,  dinalaw n’yo ako.’ “At itatanong sa kanya ng mabubuti;  ‘Panginoon,  kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom…  maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?  Sasagutin sila ng Hari:  ”Talagang sinasabi  ko sa inyo:  anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko,  sa akin ninyo ginawa.’ Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya:  ‘Mga isinumpa,  lumayas kayo sa harap ko…  Sapagkat nagutom ako…  maysakit at nasa bilangguan at di n’yo binisita.’ “Kaya itatanong din nila:  ‘Panginoon,  kailan ka namin nakitang nagugutom…  at di namin pinaglingkuran?  Sasagutin sila ng Hari:  ‘Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang di n’yo ginawa sa isa sa maliliit na ito,  hindi n’yo ginawa sa akin.’ “At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa,  ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Cl. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa ating pagsisimula ng banal na panahon ng Kwaresma, inaanyayahan tayong maging mas konkreto sa ating pagmamahal sa Diyos, sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating kapwa. Sa katunayan, ito ang magiging batayan ng Panginoon sa kanyang paghuhukom sa atin sa wakas ng panahon – ang saligan ng pagmamahal. Sa tuwing taos at lubos ang ating pagmamahal sa kapwa, lalo na sa ating mga kapatid na walang-wala at kapos sa buhay, naisasabuhay sa ating paggawa ang pananampalatayang ating ipinapahayag.  Mga kapatid, hindi lamang sa panalangin makikita ang Diyos; mababanaag at mayayakap din natin Siya, sa tuwing pinipili nating mahalin ang kapwa – lalo’t higit ang itinuturing na ‘di kamahal-mahal. Pag-ibig ang pumapagindapat, sa ating hindi karapat-dapat, dahil ang may mukha at pangalan ang pag-ibig: si Kristo Hesus na nakabayubay sa krus.