Mal 3:1-4 – Slm 24 – Heb 2:14-18 – Lk 2:22-40 [o 2:22-32]
Lk 2:22-40
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa Jerusalem para iharap sa Panginoon—tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.
Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.
Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kaayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”
May isang babaeng propeta, si Ana anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu't apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.
Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret at Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret at Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
PAGNINILAY
Ang Diyos mismo ang nagsabi kay Moises na ang lahat ng panganay na lalaki, nararapat na ialay sa Kanya. Pag-alaala nila ito ng ginawa Niyang pagliligtas sa mga panganay nilang anak. Samantalang ang mga panganay na lalaking ehipsyo pati na ang panganay na anak ng Faraon, namatay sa ikasampung salot na ipinadala ng Diyos sa Ehipto, dahil nagmatigas ang Faraon na palayain mula sa pagkaka-alipin ang mga Hebreo. Sa ganitong pag-aalaala, dinala sa Templo si Jesus ng kanyang mga magulang at itinalaga sa Diyos. Sa katunayan, hindi na kailangang dumaan pa si Jesus sa ganitong ritwal dahil Siya mismo ang Mesiyas. Pero naging masunurin sa Batas sina Maria at Jose. Mga kapatid, paalaala ito sa mga magulang. Totoong handog ng Diyos sa inyo ang inyong mga anak, pero hindi nangangahulugan na kayo na ang nagmamay-ari sa kanila. Pinili kayo ng Diyos para maging daan ng Kanyang patuloy na paglikha. Ipinagkatiwala Niya rin sa inyo ang pagpapadama ng tunay na kahulugan ng pag-ibig sa kanila. Hubugin ang mga anak na maging mabubuting tao at Kristiyano, hanggang sa maibalik sila sa Kanya nang ganap, at maging karapatdapat sa Kanya. Sa pagdiriwang natin ngayon ng pag-aalay kay Jesus sa Templo, hilingin nating panibaguhin ng Diyos ang inyong pagkakaunawa sa inyong tungkulin bilang mga magulang.