Mapayapang araw ng Miyerkules mga Kapatid kay Kristo! Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo. Ipinagdiriwang din natin ngayon ang Pandaigdigang Araw ngKonsagradang Buhay o Buhay Relihioso. Matutunghayan natin sa Mabuting Balita ang pagsunod nina Maria at Jose sa Batas ni Moises na ang lahat ng panganay, kailangang italaga sa Panginoon. Hingin natin ang biyayang maging bukas sa plano ng Dios na maging daluyan ng kanyang pagliligtas. Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda natin ang ating buong sarili sa pakikinig at pagninilay sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas Kabanata dalawa, talata dalawamput dalawa hanggang tatlumput dalawa.
EBANGHELYO: Lk 2 :22:32
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon hinihintay ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. May isang babaeng propeta , si Ana anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser matandang matanda na siya pagka-alis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa at nag buhay biyoda na siya at hindi na siya umaalis sa timplo. Araw gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin, walompu’t apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon , nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret at Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
PAGNINILAY
Dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa Jerusalem para ialay sa Panginoon. Buong pusong inialay si Jesus sa Diyos ng kanyang mga magulang. Sa pamamagitan ni Simeon ibinunyag ng Diyos na ang batang si Jesus ang liwanag para sa mga hindi naniniwala sa Kanya at ang luwalhati naman ng minamahal ng Diyos na Bayang Israel. Ang paghahandog nina Jose at Maria kay Jesus sa Templo ay pagsasang-ayon nila sa planong pagliligtas ng Diyos. Nagpapahayag din ito ng kahandaan ng mag-asawang Jose at Maria sa kanilang tungkulin na gampanan ang kanilang papel na maka-Diyos sa pagpapalaki kay Jesus. Mapapansin natin ang kanilang matibay na paniniwala sa tungkuling ini-atas sa kanila ng Panginoon. Inaanyayahan din tayong mga Kristiano sa ating tungkulin na hubugin ang ating mga kabataan upang silay maging ganap na tagasunod ni Jesus. Paala-ala sa mga magulang na magiging daan o instrumento sila na maging masigasig na tagapag-alaga, tagapagtanggol, tagapagturo at tagahubog upang lumaki ang kanilang mga anak na may kakayahang gampanan ang pagiging isang tunay na mamamayan at ganap na Kristianong handang harapin ang misyon sa buhay.
PANALANGIN
O Panginoong Diyos, kami ay nilikha mo sa Iyong pagmamahal. Bigyan mo po kami ng biyayang magampanan ang aming tungkuling mangasiwa sa buong sangnilikha. Isabuhay nawa naming ang katutuhanang kami ay galing sa Diyos at para sa Diyos, Amen.