BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo. (Tanda ito ng pagsang-ayon nina Maria at Jose sa kalooban at plano ng Diyos na maging masigasig na tagapag-alaga, tagapagtanggol, tagapagturo at tagahubog ng batang si Hesus hanggang sa siya’y lumaki, at may kakayahan nang gampanan ang misyong tinanggap Niya mula sa Ama.) Ngayon din po ay World Day of Prayer for Consecrated life. (Idalangin natin ang lahat ng nagtalaga ng buong buhay sa paglilingkod sa Diyos bilang mga pari, at religious brothers and sisters – lumago nawa tayo sa kabanalan habang ginagampanan natin ang misyon na ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon.) Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata dalawa, talata dalawampu’t dalawa hanggang apatnapu.
EBANGHELYO: Lk 2:22-40
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nina Jose at Maria ang sanggol ni si Hesus sa Jerusalem para iharap sa Panginoon–tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon… Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Hesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi:”Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kaayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” … May isang babaeng propeta, si Ana anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser… Sa pag-akyat niya sa panahong iyon , nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret at Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ngayon ay kapistahan ng Pagdadala kay Hesus sa Templo at kasabay nito ang pagdiriwang natin ng World Day of Prayer for the Consecrated Life. Taong 1997 nang sinimulan ni Pope John Paul II ang pagdiriwang na ito, bilang paghihikayat sa lahat, na ipagdasal ang mga taong tumutugon sa paanyaya ng Panginoon, na italaga ang buong buhay ayon sa espiritwalidad ng bawat kongregasyon at institusyon. Gayunpaman, hamon din ito sa lahat, na italaga ang buhay sa Diyos, may asawa ka man o single. Sa ating Ebanghelyo, bilang magulang isinakatuparan nina Jose at Maria ang utos ni Moises na ang bawat panganay na batang lalaki ay dadalhin sa templo upang ialay at italaga. Si Hesus ay ang tanda ng pagtatalaga. Siya ang natatanging Anak ng Diyos, na magsisilbing liwanag sa oras ng kadiliman at lakas sa oras ng kahinaan. Siya ang tinutukoy ng maraming mga propeta, na Mesiyas. Naging saksi sa kaganapang ito sina Simeon at Anna. Sila ay tunay na nagalak, nagpasalamat at nagpuri sa Diyos. Mga kapatid, tulad nina Maria at Jose, dalhin natin si Hesus sa sanlibutan. Huwag lang ituro kung sino si Hesus. Sa bawat salita at gawa ay ating siyang ipadama, ipakita, iparinig, iparanas ang awa at pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan. Amen.