Daughters of Saint Paul

Pebrero 2, 2025 – Linggo | Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo

Ebanghelyo: Lk 2:22-40

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon–tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa batas ng Panginoon. Isang paris na batu-bato o dalawang inakay na kalapati.

     Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon… Hinihintay niya ang pag papaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Hesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.

          … May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang Matanda na siya. Pag ka alis ng Bahay sa kanyang Ama, pitong Taon lang silang nag sama ng kanyang asawa. At nag buhay byuda na siya. At Hindi na siya umaalis sa Templo. Araw gabi siyang sumasamba sa Diyos sa Pag aayuno at pananalangin, walongput apat na siya. Sa pag-akyat niya sa sandalling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.

          Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret at Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.

Pagninilay:

 Sa ating Ebanghelyo ngayon, dinala nina Maria at Jose ang batang Hesus sa Templo sapagkat ito ang naayon sa batas ni Moises na sinusunod ng lahat ng mga Hudyo. Ibig sabihin, mga tapat at relihiyosong mga Hudyo sina Maria at Jose. Ang pagsunod na ginawa nila ay isang patunay na tapat sila sa kanilang obligasyon sa Diyos at sa lipunan. At ang katapatang ito’y nagmumula sa kanilang malalim na pagmamahal at paggalang sa Diyos.

Sa ganitong klaseng mga magulang lumaki si Hesus.  Sa kanila natutunan ni Hesus ang ugali ng katapatan, paggalang, at pagmamahal sa Diyos. Kaya hindi nakapagtatakang lumaki si Hesus na may paggalang sa Diyos at sa mga tao.

Diyos at tao si Hesus. Tulad natin natutunan niya rin ang gumalang at rumespeto sa Diyos at lipunan sa pamamagitan ng halimbawa ng kanyang mga magulang, kalaro, at mga nakatatanda sa kanya.

Lahat tayo mga “influencers.” Bawat salita at gawa natin ay may kaakibat na responsibilidad sapagkat naiimpluwensiyahan natin ang mga taong nakakarinig, nakakikita, at nakakasalamuha natin. Kung gayun, sikapin nating may kalidad ang bawat salita at gawa natin. Piliin natin ang mga salita at gawang magbibigay inspirasyon sa mga tao at makapagbibigay-puri sa Diyos.

Manalangin tayo. Panginoon, tulungan mo akong maging mabuting halimbawa sa iba. Mamutawi nawa sa akin ang iyong salitang nagbibigay-buhay sa iba, at maranasan nawa ng bawat taong makasasalamuha ko ang iyong pagmamahal at awa. Amen.