Daughters of Saint Paul

PEBRERO 20, 2020 – HUWEBES SA IKAANIM NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 8:27-33

Pumunta si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo. At habang nasa daa’y tinanong niya ang kanyang mga alagad :”Sino raw ako ayon sa mga tao? “Sumagot sila:”May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa mga propeta kaya. At tinanong niya sila: “Ngunit ano naman ang sinabi ninyo kung sino ako?”At sumagot si Pedro:”Ikaw ang Mesiyas.” At inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kanya. At sinimulan niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon pagkatapos ng tatlong araw. At buong tapang siyang nagsalita. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod ni Jesus , nakita niya naroon din ang kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan si Pedro : “Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip mo kundi mula sa tao.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sem. Mark Louise Maraan, 2ndyear aspirant ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sino ba si Hesus para sa’yo? Ito ang paanyaya ng ebanghelyo ngayon, na alamin at kilalanin kung sino nga ba si Hesus para sa atin. Hayaan n’yo pong umpisahan ko ito sa isang tanong, Sino nga ba si ako? Maraming tao ang nagtatanong kung sino nga ba tayo, lalo na’t hindi talaga tayo kilala sa ating lugar. Para matukoy kung sino tayo, kadalasan, ina-identify tayo sa mga ngalan ng mga matatandang kamag – anak, ang iba nama’y dinadaan sa ngalan ng mga magulang. Pero sa Ebanghelyo ngayon, hindi inaalam kung saan tayong lahi nanggaling, kundi kung sino tayo bilang isang tao. Tunay nga, na maraming pangalan ang naidurugtong sa ating tunay na pagkakakilanlan sa isang lugar – minsa’y maganda at minsan nama’y hindi. Pero, kahit ano pa man ang pagkakakilanlan sa atin, nararapat lamang na tayo’y mamuhay pa rin nang naaayon sa kalooban ng ating Panginoong Hesukristo, na wala tayong naipapahamak o naaapakang ibang tao. Ika nga ng mga matatanda sa aming lugar, mas maigi pang gumawa ka ng magandang bagay sa mga taong nakapaligid sayo nang hindi ka nila kilala; kaysa sa gumawa ka ng mabuti, dahil kilala ka nila at ang iyong pamilya. Dahil mas malaking gantimpala ang iyong matatamo sa kagandahan at kalinisan ng iyong puso, na mismong ang ating Panginoon ang nakakakita.  Amen.