EBANGHELYO: Lk 5:27-32
Nakita ni Jesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang nga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo sa mga alagad ni Jesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Siony Japzon Ramos ng Institute of the Holy Family ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Napangiti ako habang binabasa ko ang ebanghelyo natin ngayon, kasi napanood ko siya sa “The Chosen” sa Netflix. Tunay nga na mayaman si Levi, dahil itinapon niya ang sandalyas na nadumihan, samantalang ang ibang tao ay walang mga panyapak. Isa siyang tax collector at inilalarawan na lubhang makasalanan, pero bakit siya tinawag ni Jesus na sumunod sa Kanya. Malalim ang kahulugan at nakakatakot ang paanyayang ito ni Jesus. Kung ako si Levi, sasabihin kong pag-iisipan ko muna, bago tumugon sa Kanyang paanyaya. Pero iba si Levi, iniwan niya lahat at sumunod kay Jesus! Mga kapatid, ang pagsunod kay Jesus ay pagtalikod sa kasalanan at pamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Ang pagbibigay ng buong sarili sa Diyos ay madaling sabihin, pero mahirap gawin. Ang pagbabago ay hindi nagaganap ng isang araw lamang. Ito ay patuloy na pagsusumikap sa grasya at awa ng Diyos, na talikdan ang kasalanan at patuloy na baguhin ang sarili. Lahat tayo ay makasalanan, ang pag-amin ng pagkakamali at pagkakasala ang unang hakbang para humingi tayo ng mabathalang pagpapatawad ni Jesus. Kadalasan kasi tinitingnan natin na mas makasalanan ang iba, kaysa sa atin. Tayo ay nagiging self-righteous at mayabang. Nawa’y magamit natin ang panahon ng kuwaresma para sa ating pag-babalik loob sa Diyos para makasalo tayo sa kaganapan ng kanyang kaharian sa Langit. Amen.