Daughters of Saint Paul

Pebrero 21, 2017 MARTES Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon / San Pedro Damian, obispo at pantas ng Simbahan

 

Sir 2:1-11 – Slm 37 – Mk 9:30-37

Mk 9:30-37

Umalis sa bundok si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila:  “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.”  Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya.

            Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila:  “Ano ang pinag-uusapan n'yo sa daan?”  At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una.

            Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila:  “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.”

            At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila:  “Tinatanggap ako ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan. At kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa panahon natin ngayon na grabe ang kumpetisyon sa iba’t ibang larangan: sa sports, sa akademiko, sa mga produkto, sa serbisyo at iba pa – ang turo ng Panginoon tungkol sa pagpapakababa at pagiging maliit tulad ng isang bata,” tila wala ng kabuluhan.  Nabubuhay tayo sa henerasyong lahat gustong maging number one.  Bunsod na rin ito ng mga commercials na madalas nating mapanood sa TV na nag-aangking sila ang number one na produkto.  Maging ang mga TV Networks at radio stations, nag-aangkin ding sila ang number one.  Kapansin-pansin din ito maging sa mga pila.  Lahat nag-uunahan at nagtutulakan pa para lang mauna sa pila.  Mga kapatid, sa gitna ng ganitong umiiral na kalakaran, pinapaalalahanan tayo ng Panginoon, na kung gusto nating mauna, kailangang maging huli tayo at maging lingkod ng lahat.  Kung gusto nating maging dakila sa mata ng Diyos at sa mata ng tao kailangang lumago tayo sa wagas na paglilingkod at pagmamahal sa kapwa.  Ito ang tunay na kadakilaan at pagiging number one na maipagmamalaki natin, hindi lang dito sa mundo, maging sa kabilang buhay.  Hindi ang pagiging number one sa popularidad ang tunay na mahalaga.  Kundi ang kalidad ng serbisyo na iginagawad natin sa kapwa nang may kababaang loob.  Magagawa natin ito kung lubos ang pagtitiwala natin sa Diyos katulad ng isang maliit na bata na laging handang sumunod sa ipinag-uutos ng Ama.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.