LUCAS 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; at dito'y may mas dakila pa kaysa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito'y may mas dakila pa sa Jonas.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, napapanahon ang mensahe sa atin ng Ebanghelyo ngayon. Hindi kaila sa’tin na marami ang humihingi ng palatandaan hindi lang sa Diyos, kundi, maging sa nga manghuhula. Dahil wala tayong hinagap kung ano ang mangyayari sa hinaharap – sumasangguni tayo sa mga manghuhula kung ano ang ating magiging kapalaran. Tuloy, parang dinudiyos na natin ang mga manghuhula dahil paniwalang-paniwala tayo sa kanilang sinasabi. Ito ang konteksto kung bakit sinabi ng Panginoon, na masamang lahi ito dahil humihingi ng palatandaan. Ayon sa turo ng Katesismo ng Katolikong Kristiyano bilang 2116: “Lahat ng uri ng panghuhula, dapat itakwil: katulad ng paghingi ng tulong kay satanas, pagtawag sa kaluluwa ng mga namatay na, at iba pang gawaing tulad nito na nanghuhula ng kinabukasan. Kabilang din dito ang pagkonsulta sa horoscope, astrology, palm reading, pag-interpreta ng masamang pangitain o suwerte, at iba pa. Pinabubulaanan ng gawaing ito ang kapurihan, karangalan at banal na takot na tanging sa Diyos lamang natin dapat ilaan.” Mga kapanalig, hawak ng Diyos ang ating buhay, maging ang ating kapalaran at kinabukasan. Siyang may likha sa atin ang may ganap na kontrol sa ating buhay at nalalaman Niya kung ano makabubuti sa atin. Kaya sa Kanya natin ibigay ang ating lubos na pagtitiwala at pag-asa, at huwag sa mga manghuhulang nagsasamantala para pagkakitaan tayo. Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga pagkakataong nagkulang ako ng pagtitiwala Sa’yo at humingi din ng tanda. Matanto ko nawa na Kayo po ang Salita ng Diyos, ang tanda ng buhay na presensiya ng Diyos. Amen.