Daughters of Saint Paul

PEBRERO 21, 2020 – BIYERNES SA IKAANIM NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 8:34-9:1

Tinawag ni Jesus ang makapal na tao pati ang kanyang mga alagad at winika sa kanila:”Ang sinumang ibig sumunod sa akin, ay itakwil ang sarili  pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Sapagkat ang sinumang ibig magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay alang – alang sa akin at sa Ebanghelyo ay magkakamit nito. Sapagkat ano ang mapapala ng tao makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman ang kanyang kaluluwa. At ano naman ang maipapalit ng ato sa kanyang kaluluwa. Sapagkat ang sinumang magtatwa sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na nakikiapid at makasalanan ay itatatwa din ng anak ng tao. Pagdating niya sa kaluwalhatian ng kanyang ama, na kasama ang mga Banal na Anghel. At winika niya sa kanila:”Tunay na sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na di magdaranas ng kamatayan hanggang di nakikita ang pagdating ng kaharian ng Diyos na puspos ng Kapangyarihan.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Minsan sumakay ako ng MRT sa Cubao. Laking gulat ko nang tumigil ang train at kahit may pila, kitang kita ko ang isang lalaking may malaking pangangatawan na itinulak yong nasa unahan nya at iniharang ang kanyang katawan sa pintuan ng train upang pigilan ang pagsara nito. Kahit punong puno na ang train, isiniksik nya pa ang kanyang sarili. Mga kapanaligito ang imahen ng taong makasarili. Wala siyang pakialam kung merong maipit o masaktan basta maisaayos lamang ang sarili. Pangatlo ako sa pila ng mga naiwang pasahero. Nang parating na uli ang train, pinauna ako ng lalaking nasa unahan ko at inalalayan nya akong makapasok sa train. Sa kanya ko naman nakita ang imahen ng taong hindi makasarili. Handa syang magparaya at magbigay para sa kapwa. Ito ang sinasabi ng ating Unang Pagbasa: patay ang pananampalataya kung walang kasamang mabuting gawa. Kaya tinuturuan tayo ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon na kung gusto nating sumunod sa kanya, kailangang kalimutan natin ang sarili at pasanin ang ating krus. Ito ang mabisang panlaban sa pagkamakasarili at tuwing gagawin natin ito mas nasusumpungan natin ang ating sarili na kahawig ni Jesus.