Daughters of Saint Paul

PEBRERO 21, 2021 – UNANG LINGGO NG KUWARESMA (B)

EBANGHELYO: Mk 1:12-15 

Itinulak si Hesus ng espiritu sa disyerto, at apat napung araw syang nanatili sa disyerto. Tinukso sya ni Satanas kasama niya ang mga hayop at pinaglingkuran sya ng mga angel. Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea.  Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagong buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Micha Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Anu-ano ang mga tukso o temptasyon mo sa buhay? Sinusubukan mo bang labanan ang mga ito o bumibigay ka rin sa huli?//  Mga kapatid, bahagi na ng ating buhay ang tukso. Kahit mismo si Hesus, hindi rin nakaligtas sa panunukso ng demonyo. Ang mga tukso sa buhay ni Hesus ay nagpapakita ng kanyang pagiging totoong tao at pagyakap sa karupukan ng ating pagkatao. Ayon nga sa sulat sa mga Hebreo, “God has been tempted in every way, just as we are, yet he did not sin” (Heb 4:15). Tinukso si Hesus, pero malinaw na hindi siya nagkasala. Sinasabi sa atin na kailanman hindi bahagi ng ating pagkatao ang tukso, at ang tukso ay hindi kasalanan. Nagiging kasalanan lamang ito, sa pamamagitan ng ating pag-Oo sa mga inaalok ng tukso. Kahit gaano man tayo tinutukso, hindi ito magiging kasalanan hangga’t hindi tayo umoOO at ginagawa ang mga ito. Pero palagi nating tatandaan na tulad ng kanyang Anak na si Hesus, God allows us to be tempted not because he wants us to fall but so that we don’t. God will never allow us to be tempted beyond our ability.// Higit sa lahat, ipinapakita sa atin Hesus na nalampasan at napagtagumpayan niya ang bawat tukso. Ang kanyang pananatili sa disyerto ng apatnapung araw ay isang pahiwatig ng kanyang pakikiisa at malalim na pakikipag-ugnayan sa Ama. Nanatili sa disyerto si Hesus, hindi upang tuluyang makaiwas sa mga tukso, sa katunayan makikita na napapalibutan siya ng mga mababangis na hayop. Bagkus, nanatili si Hesus sa disyerto upang sa gitna ng mga mababangis na hayop, mapagtagumpayan niya ang mga pagsubok sa kanyang buhay. Upang sa gitna ng mababangis na hayop, makita niya ang kalooban ng Diyos sa kanya. Sabi nga, ang umaayaw ay natatalo. Ang umiiwas o sumusuko ay nagiging talunan. Tanging ang sumusubok sa mga pagsubok ang nagtatagumpay.// Mga kapatid, palagi nating tandaang ang taong sinusubok ng tukso ay totoong taong marupok pero hinihimok ng Diyos na abutin ang rurok ng kabanalang kanyang inaalok. (Araw-araw naririyan parati ang tukso. Mga tukso sa mga materyal na bagay; mga tukso sa laman, mga tukso ng pagiging makasarili. Hilingin natin sa Diyos ang katatagan ng loob upang tayo’y maiadya sa lahat ng mga masasama at kasalanan.  Amen.)