Daughters of Saint Paul

PEBRERO 21, 2024 – Miyerkules sa Unang Linggo ng Kuwaresma | San Pedro Damian, obispo at pantas ng Simbahan

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules sa Unang Linggo ng Kuwaresma.  Dakilain ang Diyos nating mahabagin na hindi nagsasawang bigyan tayo ng pagkakataong baguhin ang sarili, pagsisihan ang kasalanan at manumbalik sa Kanyang walang hanggang pagmamahal.  Hindi Siya nagsasawang maghintay sa ating pagbabalik-loob. Iginagalang Niya ang tamang panahon at pagkakataon na tayo mismo ang magpasyang magbago at bumalik sa Kanya.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang pahayag ng Panginoong Hesus na “Masamang lahi ang lahing ito, dahil humihingi ng palatandaan,” sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing-isa, talata dalawampu’t siyam hanggang tatlumpu’t dalawa.

EBANGHELYO: Lk 11:29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Hesus:  “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang pagbabalik ng ating Panginoong Hesus ay matagal nang hinihintay.  Marami ang nagsasabi na ang mga nangyayari ngayon ay bahagi na ng End Time.  Pero kelan nga ba ang pagbabalik ng ating Panginoong Hesus?  Nasusulat na ito ay mangyayari, pero, maging ang Anak mismo ng Diyos, hindi nababatid kung kelan ito magaganap.  Mga kapatid, marahil, likas na sa atin ang maniguro.  May mga tao talagang nais humingi ng tanda.  Sa pagbasa, narinig nating sinabi ni Hesus na ang lahing ito ay masama, dahil humihingi ng tanda.  Noon, itinuring si Solomon bilang magaling na hari, pero alam natin, na si Hesus ang tunay na Hari, hindi sa sukatan ng lakas at kapangyarihan, kundi sa sukatan ng pag-ibig at pagpapakumbaba.  Ang Kanyang kaharian ay nananahan sa puso ng bawat isa sa atin, kung hahayaan natin Siyang dito’y paghahariin. Manalangin tayo:  Diyos naming Ama, tinatanggap naming malaking biyaya na ituring na mga anak mo.  Salamat, dahil sa pamamagitan ng mga salita Mo, nakilala namin ang Iyong Anak na aming Tagapagligtas.  Patuloy Mo pong gawing bukas ang aming mga puso, upang ang paghahari mo sa amin ay manatili, Amen.