Daughters of Saint Paul

Pebrero 22, 2017 MIYERKULES Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon / Luklukan ni Apostol San Pedro

 

1P 5:1-4 – Slm  23 – Mt 16:13-19 

Mt 16:13-19 

Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad:  “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?”  Sumagot sila:  “May nagsasabing si Juan Bautista ka, may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga Propeta kaya.”

     Sinabi niya sa kanila:  “Ngunit sino ako para sa inyo?”  At sumagot si Simon Pedro:  “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.”  Sumagot naman si Jesus:  “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.

       At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang Simbahan, Iglesya o ekklesia sa salitang Griyego, ang bayang muling tinipon ng Diyos at si Kristo ang ulo o pinuno nito.  Pero sa Kanyang pag-alis, mangangailangan ng isang taong mapagkakatiwalaan upang pamunuan ang Simbahan, sa pagtupad ng misyon nito na akayin sa kaligtasan ang tao.  Dahil sa ginawang pagpapahayag ni Simon Pedro, ng kanyang pananampalataya, siya ang naging batong pinagkalooban ni Jesus, ng kapangyarihang panatilihin ang katatagan ng Simbahan.  Pinagkalooban siya ng kapangyarihang “magkalag” at “magtali”, ibig sabihi’y magpasya tungkol sa mahahalagang bagay na may kaugnayan sa pananampalatayang Kristiyano, magtiwalag ng mga kasapi, at magpalayas ng masasamang espiritu.  Ang Simbahan naman ang magiging maayos at nakikitang pamayanan, na siyang pagsisimula sa lupa ng paghahari ng Diyos. Mga kapatid, bilang lingkod ni Kristo at ng Kaharian, ginagamit ng Simbahan ang kapangyarihang ipinagkaloob dito upang labanan ang diyablo at iligtas ang mga biktima nito.  Ang Simbahan ang daluyan ng habag ng Diyos at ng mga biyaya upang makamit ang buhay na walang hanggan.  Manalangin tayo.  Panginoon, patuloy N’yo pong pakabanalin at gabayan ang Simbahan sa gawain nitong pagliligtas sa Ngalan Mo.  Amen.