MATEO 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, hinirang ng Panginoong Jesus si Pedro bilang “dakilang bato” na pagtatayuan ng ating Sambayanang nananampalataya. Ipinagkatiwala rin ng Panginoon sa kanya ang susi ng Kaharian ng Langit. Sa simula ng paghirang kay Simon, nagsimula na rin ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng Panginoong Jesus dito sa lupa. Kahit ipinagkanulo niya si Jesus ng tatlong beses, hindi nagbago ang paghirang sa Kanya. Humingi siya ng patawad, nagbagong-buhay, at matatag na tinupad ang kanyang tungkulin mula ng mapagtagumpayan ni Jesus ang kamatayan at muling iniakyat sa kaluwalhatian. Dahil dito, si Pedro ang kauna-unahang iniluklok ng ating Simbahang Katoliko bilang Santo Papa. Kaya kung sino man ang mahirang na Papa, siyang uupo sa luklukan ni San Pedro. Tinatawag natin siyang papa, dahil itinuturing natin siyang ama ng ating Simbahan. Siya rin ang tinaguriang pinakamataas na Obispo sa buong Simbahan na nananahan sa Roma, katulad ng ating kasalukuyang Papa Francisco. Bilang kinatawan ni Kristo, siya ang banal na gabay natin at namamahala sa mga Obispo, pari, mga kagawad ng ating Simbahan, at tayong lahat na mga mananampalataya. At bilang may iisang binyag, inaasahan niya tayong makiisa sa kanya sa pamamagitan ng pagbabasa ng kanyang mga isinulat at pagpapalaganap ng kanyang turo. Inaasahan niya rin tayong maging gabay at ilaw para sa isa’t isa. Mahalaga rin na suklian natin ang kanyang kabutihan at mga pagsusumikap na tayo’y gabayan sa ating pananampalataya. Magagawa natin ito sa pag-aalay natin ng panalangin para sa kanya. Gawin natin ito ngayong panahon ng Kuwaresma nang may pagmamahal at nakaugat sa pananampalataya natin kay Jesukristo na ating manunubos.