EBANGHELYO: MATEO 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Cleric Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Minsan sumakay ako ng bus patungong Ospital dahil sa aking nakasementong kamay. Puno na ang bus, saan kaya ako uupo? Biglang tumayo ang isang batang lalaki at tinawag ako upang maupo sa unahang upuan. Alam ng batang ito na ang upuang nasa likod ng drayber ay inilaan para sa mga may kapansanan, may edad o nagdadalang tao. Gayun din naman ang sitwasyon sa upuan ng drayber. Hindi lahat ay maaaring umupo sa kanyang kinauupuan at bigla-biglang pumalit sa driber. Sa madaling salita, ang kinauupuan ay nagpapakita ng natatanging kahulugan at pinaglalaanan, ng katungkulan at responsibilidad. Ganito rin ang ipinaaalala sa atin ng ating paggunita sa kapistahan ng luklukan ni Apostol San Pedro. Tanda ito ng gampanin at responsibilidad ni Pedro bilang Apostol. Tawag nito ang pagkalinga at pagpatnubay sa mga tupa na ginagabayan ng puso, isip at mabubuting gawa. Kaugnay ito ng susi na nabanggit sa ebanghelyo ng tinanggap ni Pedro, susi na handang magbubukas ng isip at puso ng lahat. Ipinaaalala ng luklukan at ng susi ang pagiging guro at tagapangasiwa ng mga Apostol, ni Pedro at ng Santo Papa, ng Simbahan: na nagtuturo, umaakay, gumagabay at nakikilakbay sa mga mananampalataya papalapit at patungo kay Hesus.