EBANGHELYO: Mt 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Luzviminda Agustin ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Narinig natin sa ebanghelyo ang pagtanong ni Hesus sa kanyang mga alagad, kung sino Siya ayon sa mga tao. Tugon nila, iba-iba ang pagkakakilala sa kanya ng mga tao. May nagsasabing Siya raw si Juan Bautista, o si Elias, o si Jeremias, o isa sa mga propeta. Pawang hindi sapat at mali ang kanilang sagot. Pero, ang tunay na tanong na dapat nating bigyang pansin “Ngunit sino Ako para sa inyo?” Sumagot si Simon Pedro “Ïkaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” At dahil sa sagot na ito, si Simon Pedro ay pinagpala dahil ang kanyang pag-amin ay isang bigay ng Diyos na pananaw. Mga kapatid, ang kultura ng mundo ngayon, ay gaya rin noon – galit at tutol kay Hesus. May mga grupong nagsasabi na ang Kanyang mga aral ay makaluma o outdated na. May mga nagsasabi na si Hesus ay isang taong sikat lamang, mayroon ring naniniwala na Siya ay isang kathang-isip lamang, isang bida sa isang pelikula. Tayo rin ay tinatanong ni Hesus “Sino Ako sa iyong buhay?” Isa itong malinaw at tahasang tanong sa ating puso. Tanong na hindi natin maiiwasan o maipapasagot sa iba. Ang tanong na ito sa atin ay hindi mapaghusga kundi punong-puno ng pagmamahal. Tinatawag tayo ng pagmamahal ni Hesus na kilalanin natin Siya, bilang Anak ng Diyos na buhay at ating Tagapagligtas. Samahan natin si Pedro sa pagsagot na “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Angkinin natin ang mga salitang ito, at tayo rin ay pagpapalain. Amen.