Daughters of Saint Paul

PEBRERO 22, 2022 – MARTES SA IKAPITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Authority is power! Kapangyarihan ito na ipinagkatiwala kay Pedro. Isang mapayapang araw ng Martes mga Kapanalig! Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul , na nag aanyayang samahan kami sa pagninilay sa Mabuting Balita ngayon. 

EBANGHELYO: Mt 16:13-19

Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”

PAGNINILAYNgayong araw po ipanagdiriwang natin ang kapistahan ng luklukan ni San Pedro—Feast of the Chair of St. Peter. Hindi po pisikal na upuan ang ating binibigyang parangal kundi ang pagiging katiwala ng Diyos ni Pedro na siyang binigyang kapangyarihang magturo at mamuno sa kanyang simbahan. Hindi siya tulad ng mga makapangyarihan sa mukha ng mundo—ang kapangyarihang ito ni San Pedro ay sa pamamagitan ng kanyang buong puso na pagsisilbi sa kawan ng Diyos—tuturuan at pamumunuan niya ito—at ito ay buhay at patuloy pa rin sa ating simbahan sa pamamagitan ng ating Santo Papa na siya bikaryo ni Hesus at nasa iisa, hindi napapatid na linyamula kay San Pedro magpahanggang ngayon sa katauhan ng ating Santo Papa Francisco. Sa ating Ebanghelyo, ipinapaalala sa atin nito ang kahalagahan ng pagkilala. Mahirap pong sumunod at sumamba sa Diyos na hindi naman pamilyar at hindi natin kilala. Bagamat marami sa ating mga binyagan ang hindi lubos maintindihan ang ating doktrina, katekesis, batas pansimbahan at iba pa. Gayunpaman, lahat tayo’y sumasamba at naniniwala sa dakilang misteryo nang pagpapakilala ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus na siyang tumubos sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Krus. Ito din ang narinig nating pagkilala ni Pedro kay Hesus sa ating Ebanghelyo. Nawa’y patuloy nating pagnilayan at palawigin ang pagkilala natin sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus sa ating mumunti at bagamat payak na pamamaraan.