Sir 5:1-8 – Slm 1 – Mk 9:41-50
Mk 9:41-50
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may magpainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo hindi siya mananatiling walang gantimpala.
“Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg.
“Kung kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno nang may dalawang kamay. At kung ang paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno nang may dalawang paa. At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa Kaharian ng Diyos nang may isang mata kaysa matapon sa impiyerno nang may dalawang mata, kung saan walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan ang apoy. Buburuhin nga ng apoy ang lahat.
Mabuti ang asin ngunit kung tumabang ang asin, paano n'yo ito mapaaalat uli? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at mabuhay sa kapayapaan sa isa't-isa.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, kung literal nating uunawain ang Ebanghelyong ating narinig, malamang maraming tao tayong makikitang putol ang mga kamay at mga paa, at mga bulag. Dahil sa totoo lang, makailang beses na rin tayong nagkasala dahil sa mga ito. Pero, hindi ito ang nais ipakahulugan ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon. Nais Niyang pagtuunan natin ng pansin ang ating buhay espiritwal at buhay na walang-hanggan, kaysa sa pisikal nating buhay na pansamantala lamang. Maraming pagkakataong sinabi sa atin ni Jesus, na mas makabubuti sa ating makamit ang espiritwal na kalusugan, kaysa pisikal na paggaling sa ating karamdaman. Mga kapatid, hindi ang mga bahagi ng ating katawan ang nagbubulid sa atin sa pagkakasala; dahil ang kasalanan nagmumula sa ating puso. Kaya matindi ang mga pananalitang ginamit sa Ebanghelyo ngayon, para maiwasan talaga natin ang kasalanan, at para alisin ito sa ating puso. Huwag tayong padadala sa maling akala na, kaya na nating mabuhay kahit wala ang Panginoon, dahil lahat naman ng tinatamasa natin bunga ng ating mga pagsisikap. O kaya isipin na okey lang na magkasala tutal naman, walang kasalanang di kayang patawarin ang Diyos. Mga kapatid, seryosuhin natin ang ating buhay espiritwal, dahil totoong may paghuhukom, at hahatulan tayo, ayon sa kung paano natin ginamit ang maikling buhay na ipinahiram sa atin ng Diyos.