Daughters of Saint Paul

PEBRERO 23, 2018 BIYERNES SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

MATEO 5:20-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: 'Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.' Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialayang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga't hindi mo nababayaranang kahuli-hulihang sentimo.”   

PAGNINILAY:

Kung susuriin nating mabuti ang mga turo ng Panginoong Jesus, mapapansin natin na may mga pagkakataong parang masyado Siyang maluwag – kumakain Siyang kasama ng mga makasalanan at nagtatrabaho kahit araw ng Sabat.  May mga pagkakataon namang ubod Siya ng higpit; sinasabi Niyang pakikiapid na ang tumingin lamang sa iba ng may pagnanasa at pagpatay na ang isumpa lamang ang kapwa.  Ano ba talaga ang gustong ituro sa atin ng Panginoon?  Mga kapanalig, ngayong panahon ng Kuwaresma inaanyayahan tayo ng Panginoon na huwag makuntento sa anumang kabutihang ginagawa na natin.  Kailangan natin itong higitan.  May kasabihan nga na gumagawa ng mabuti ang karaniwang mga tao, pero higit pa sa kabutihan ang ginagawa ng mga dakila.  Tinatawagan Niya tayo ngayong maging dakila.  Kung nakipagkasundo na tayo sa mga taong nakasakit ng ating damdamin, gawin nating ganap ang ating pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-abot ng tulong sa kanila sa panahon ng pangangailangan, at pagdarasal para sa kanilang ikabubuti.  Ang Panginoong Jesus ang huwaran natin sa ganap na kabanalan.  Hindi lang Siya nagturo, nagpagaling at gumawa ng kabutihan, hinigitan Niya ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili sa Krus para patunayan ang dakilang pagmamahal Niya sa atin.  Panginoon, tulungan Mo po akong lumago sa kabanalan at sa pagsabuhay ng Iyong banal na kalooban.  Amen.