EBANGHELYO: MATEO 5:38-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Narinig na ninyo na sinabi: ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at ibaling ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya ng isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Narinig na ninyo na sinabi ‘Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. ‘ Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa Langit.” Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala n’yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Aminin…! Hindi ba marami kang pagkukulang sa Diyos at kapwa? Hindi ba meron kang kasalanan na paulit-ulit mong ginagawa? Mga kapanalig, alam ng Diyos ang lahat ng ating pagkukulang at mga kasalanan sa Kanya. Kung tutuusin, dapat tayong parusahan, kondenahin at ituring na kaaway ng Diyos. Pero, ang Diyos ay pag-ibig. Deus Caritas Est. Tapat Siyang nagmamahal kahit na tayo’y hindi karapat-dapat ibigin. Kaya sa mga panahon na nakararanas tayo ng inis, yamot o galit dahil sa panloloko ng kapwa, sikapin nating maibaling ang pag-iisip sa mga positibong bagay, magdasal at magnilay sa pag-ibig ng Diyos. Ito ang magbibigay inspirasyon at lakas, upang hindi tayo mapagod gumawa ng kabutihan, patuloy na magmahal at magsumikap na patawarin ang kapwang nagkulang at nagkasala sa atin.
PANALANGIN:
O Diyos, tulungan po ninyo kaming unawain ang mga taong nagkasala sa amin. Nawa’y matutunan din naming magpatawad at umibig katulad mo. Amen.