EBANGHELYO: Mt 6:7-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Naranasan mo na rin bang makatanggap ng isang bagay na kailangang-kailangan mo, bago mo pa ito hingin sa Panginoon? Ako, maraming beses na. Kaya tuloy namimihasa na akong huwag na munang humiling kasi alam naman ng Diyos kung ano talaga ang hangarin ng aking puso. Sabi nga sa talata walo, “sapagkat nababatid ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa ninyo ito hingin sa Kanya”. At naniniwala ako, na kung naaayon sa kalooban ng Diyos ang hinihiling mo, tiyak na ipagkakaloob Niya ito. Minsan nga may naka-schedule akong talk o animation sa Paulines Media Center kung saan ako naka-assign. Naisip kong magbigay ng souvenir item sa mga mag-aaral na dadalo. Ilang araw bago yong nakatakdang araw ng animation, may isang babaeng pumunta sa Media Center. Lumapit siya sa akin at ang sabi, “Sister, gusto ko pong tumulong sa misyon ninyo. Paano po ba?” Alam nyo po habang ipinapaliwanag ko sa babae ang plano kong gawin sa animation, nangingilid ang luha ko sa sobrang tuwa. Imagine, iniisip ko pa lang, nagpadala na agad ang Diyos ng taong nais tumulong. Isa nga siyang tunay na Ama, na nakakabatid ng taimtim na hangarin ng ating puso. May karanasan ka rin bang katulad nito?