EBANGHELYO: MARCOS 9:14-29
Pagbalik nina Jesus, Pedro, Jaime, at Juan sa mga alagad, nakita nilang napakaraming tao ang nakapalibot sa kanila at nakikipagtalo naman sa kanila ang mga guro ng Batas… Itinanong naman niya sa kanila: “Bakit kayo nakikipagtalo sa mga ito? “At sinagot siya ng isang lalaki mula sa mga tao: “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na inaalihan ng isang piping espiritu. At kung hinahagip siya nito, inilulugmok siya sa lupa, bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang mga ngipin at naninigas. Hiningi ko sa iyong mga alagad na palayasin ito subalit hindi po nila kaya.” Sumagot si Jesus: “Mga ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal akong mananatili sa piling niyo? Hanggang kalian ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin. …Tinanong naman ni Jesus ang ama: “Gaano na katagal ang nangyayaring ito sa kanya?” At sumagot ang ama: “Sapul pa sa pagkabata at madalas nga siyang inihahagis sa apoy o sa batis para patayin. Ngunit kung kaya mo, maawa ka sa amin, at pakitulungan kami.” Sinagot siya ni Jesus: “Ano itong ‘kung kaya mo’? Lahat ay posible sa sumasampalataya.” at agad na sumigaw ang ama ng bata sa pagsasabing “Sumasampalataya ako subalit tulungan mo nang kaunti kong pananampalataya.” Nakita ni Jesus na nagsisitakbo at lumalapit na ang mga tao kaya iniutos niya sa masamang espiritu: “Pipi at binging espiritu, iniutusan kitang lumabas sa kanya at huwag nang bumalik.” Nagsisigaw ang espiritu’t nilugmok sa lupa ang bata bago lumabas… Pagkapasok ni Jesus sa bahay, tinanong siya ng mga alagad ng sarilinan:” “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa panalangin lamang mapapalayas ang ganitong espiritu.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Seminarian Enzo Bandillon, 2nd year regent ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Madalas sa ating buhay hindi natin maiwasan ang paghingi. Kadalasan din, naiiwan na lang tayo sa estado ng paghingi at nawawala na ang kahulugan ng pagsusumikap. Papasok tayo sa simbahan kung may kailangan, kung may hihilingin, at kung may ninanais na makamtan mula sa Panginoon. Kukumpletuhin ang siyam na Simbang gabi dahil namamanata na pagbibigyan ang kahit anong hiling. Pero hindi ba natin naiisip ang tunay na kahulugan ng pagka-mapagbigay ng Diyos? Sa halip na Panginoon ang tinatawag ay nagiging Penge-noon. Sa Ebanghelyo ngayon, binigyang diin ng Panginoon na lahat posible sa sumasampalataya. Kaya kung may pinagdadaanan tayong mabibigat na problema sa buhay, panghawakan natin ang salitang ito ng Panginoon. Magdasal ng taimtim at manalig na ipagkakaloob ng Diyos ang ating kahilingan sa Kanyang takdang panahon. Amen.