Daughters of Saint Paul

PEBRERO 24, 2021 – MIYERKULES SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Lk 11:29-32 

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Benedict Basanez ng PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Humihingi ka rin ba ng himala o signs? Para saan ba ang signs? Isa sa mga definitions ng sign na gusto ko ay ‘yong gamit nito para makapag-communicate, magbigay ng information para matulungan tayo na makapagdesisyon o makapili ng ating susunod na gagawin. Humingi ng himala ang mga tao kay Jesus, pero imbes na pagbigyan sila, pinagsabihan pa silang “napakasama”. Bakit ganun ang naging reaksyon ni Jesus? Masama ba ang humingi ng himala? Oo, kung ang dahilan ay para masubukan lamang si Jesus, at hindi naman para matulungan silang makapag desisyon o gumawa ng karapatdapat na aksyon. Mga kapatid, para sa isang naniniwala hindi na mahalaga ang himala, dahil hindi lang himala ang batayan para totoong maniwala. Sabi ni Jesus, “Meron dito na mas dakila pa kay Jonas.” Nasabi nya ito dahil hindi lamang sya nangaral para magbalik-loob tayo sa Diyos. Si Jesus mismo ang nag-alay ng kanyang buhay para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. “May mas dakila pa kay Solomon,” dahil hindi lamang sya nagpahayag ng totoong karunungan, si Jesus mismo ang Dakilang katotohanan. Sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, sana hindi natin makakalimutan na Siya ang Dakilang himala sa ating buhay, dahil Siya at tanging Siya lamang ang Dakilang Pag-ibig, na laging nananatili kahit tayo’y nanlalamig na o nawawalan na ng pag-asang maniwala.