Daughters of Saint Paul

Pebrero 25, 2017 SABADO Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon / Santa Walburga

 

Sir 17:1-15 – Slm 103 – Mk 10:13-16

Mk 10:13-16

May nagdala kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila.

            At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag n'yo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa Kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya s kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, ang mga bata ang itinuturo ni Jesus na gawin nating huwaran para makapasok sa Kaharian ng Langit.  Ito’y sa kabila ng pananaw ng mga tao noong panahong iyon na walang halaga at walang alam ang mga bata – kaya’t di dapat pag-aksayahan ng panahon.  Ito marahil ang dahilan ng pagsaway ng mga alagad sa mga bata nang lumalapit ang mga ito kay Jesus.  Iniisip nilang makakaabala lamang ang mga ito kay Jesus; iniisip nilang istorbo lamang ito sa kanilang mga ginagawa.   Mga kapatid, katulad din ba tayo ng mga alagad na sagabal o istorbo lang ang pagtingin sa mga bata?  Di ba natin nakikita ang positibong epekto ng mga bata sa ating tahanan, sa ating kapaligiran?  Kung pagmamasdan natin ang mga bata, nakakaaliw silang tingnan – masigla sila, punong-puno ng buhay, simple, inosente, wala pinoproblema at nakaasa sa kanilang mga magulang sa lahat ng pangangailangan. Palatanong sila at maraming gustong malaman; may sense of wonder sa kagandahan ng nilikhang nakapaligid sa kanila at sinasabing matapat at hindi nagsisinungaling ang mga bata.  Nananatili silang mababang-loob at laging handang sumunod sa kanilang mga magulang.  Kaya naman sila ang itinuring ni Jesus na gawin nating huwaran sa pakikitungo sa Diyos. Ang kanilang mga katangian ang sikapin nating linangin muli.  Minsan din tayong naging mga bata.  Kaya alam na alam natin kung paano maging bata. Mga kapatid, balikan natin ang ating kamusmusan, hindi ang pagiging isip-bata, kundi ang madama nating muli ang walang muwang na pananalig at tiwala sa Diyos.  Manalangin tayo.  Panginoon, ituro Mo po sa akin ang karunungan ng pagiging isang bata, sa harap Mo.  Matutunan ko nawang ipagkatiwala Sa’yo ang hiram kong buhay.  Gabayan Mo po ako’t patnubayan ayon Sa’yong kalooban.  Amen.