Daughters of Saint Paul

PEBRERO 25, 2018 IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA (B)

MARCOS 9:2-10

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na putting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At nagpakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tao. Gagawa kami ng tatlong kubol; isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias. Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.” At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila. At pagbaba nila mula sa bundol, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, maraming hindi magandang nangyayari sa ating bansa, maging sa ilang panig ng mundo na maaaring yumanig sa ating pananampalataya.  Marahil nagtatanong tayo, kung totoong may Langit at may Diyos na naghahari sa lahat, bakit hinahayaan Niyang mamayani ang kasamaan at karahasan? Bakit tila walang ginagawa ang Diyos? Sa Ebanghelyo ngayon, nasaksihan natin ang Pagbabagong-anyo o Transpigurasyon ng Panginoong Jesus.  Ano nga ba ang kahalagahan ng tagpong ito sa ating pananampalataya?  Una, Pagbabadya ito nang nalalapit na pagdating ng Paghahari ng Diyos.  Ikalawa, Iniuugnay si Jesus bilang kaganapan ng mga ipinangangaral ng mga Propeta.  Ikatlo, Tanda ito ng pag-asa sa sandali ng mga pagsubok.  At ang Ikaapat at panghuli, paalala ito ni Yahweh na walang ibang dapat pakinggan ang mga Kristiyano kundi si Jesus.  Mga kapanalig, maaaring minsan nababalot ang ating buhay ng kadiliman.  Pero may plano pa rin ang Diyos para sa atin na kakaiba sa ating iniisip.  Kaya naman, kailangang makinig tayo sa Kanya upang totoong mamamayani ang Kanyang kalooban.  Sa ating may pananampalataya, hindi karahasan o pagkamuhi ang huling salita sa ibabaw ng lupa.  Sa halip, si Jesus at ang Kanyang Kaluwalhatian ang huling salita ng Diyos.  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng karunungang maunawaan ang misteryo ng Iyong Kaharian sa gitna ng dinaranas na kapighatian.  Amen.