Daughters of Saint Paul

PEBRERO 25, 2020 – MARTES SA IKAPITONG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 9:30-37

Umalis sa bundok si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha siyang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya. Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan n’yo sa daan?” At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una. Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.” At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Tinatanggap ako ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan. At kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Biniyayaan ng Diyos ang aming pamilya na magkaroon ng kambal. Pareho silang babae. Dahil ang kapatid ko na ina ng kambal namin ay nasa ibang bansa, pinili ng ate ko na sa aming mga magulang itira ang mga bata. Habang ang tatay nila ay nasa Cavite. Nakita ko sa aking mga magulang ang tuwa at saya habang inaalagaan ang kambal. Sabi ng Nanay ko, nakakaaliw, nakakatuwa kahit nakakapagod ang may bata sa bahay. Ito din marahil ang pakiramdam ni Jesus. Natutuwa siya sa mga bata kaya Niya ginawang halimbawa. Sabi ni Jesus, “Tinatanggap ako ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan. At kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.” Bakit po kaya? Anong meron sa bata? Ang bata, simple, tapat (kaya nga sa husgado pinaniniwalaan ang bata), hindi sya mapagkunwari, dependent sa matanda. Ganito si Jesus sa Diyos Ama. Ginagawa lamang Niya ang nakikita sa Ama. Sinusunod ang ipinag-uutos ng Ama. Harinawang, taglayin natin ang mga katangian ng isang bata sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama sa atin. Amen.