Daughters of Saint Paul

PEBRERO 25, 2021 – HUWEBES SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mt 7:7-12

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto n’yong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Paano ka nagdadasal? Meron ka rin bang mahabang listahan ng mga kahilingan sa Diyos sa iyong mga panalangin? Ngayong panahon ng Kwaresma ang paglalaan ng panahon para manalangin ang isa sa mga iminumungkahing gawain. Sa tuwing tayo’y nagdarasal hindi masama ang humiling sa Diyos. Mismong si Jesus sa Mabuting Balita ngayon ang nagpapatunay ng pagiging bukas-palad ng Diyos. Nakahanda Siyang tumugon sa ating mga kahilingan sa tuwing tayo’y nananalangin. Pero, hindi lamang ginagawa ang panalangin sa panahong meron tayong hinihiling o kailangan sa Diyos. H’wag nawa nating ituring na parang isang “water dispenser” ang Panginoon. Pumupunta lamang tayo sa Kanya, kung tayo’y nauuhaw. Kapag ganito ang turing natin sa panalangin, malaki ang posibilidad na madali tayong ma-frustrate kung hindi kaagad-agad matutugunan ng Diyos ang ating mga kahilingan. Mga kapanalig, Si Hesus ang Tubig ng Buhay. Hindi tayo mauuhaw kung meron tayong malalim na relasyon sa Kanya. Sa madaling salita, higit na mas maraming biyaya ang ating makakamtan kung tayo’y nananalangin sa ngalan ng pag-ibig. Kapag nagdadasal tayo dahil sa pag-ibig, gagawin natin ito sa hirap o ginhawa, malungkot man tayo o masaya, may hihilingin man tayo o wala sa Panginoon. Dahil ang panalangin ay isang pagtugon sa inspirasyon ng Espiritu Santo na makipag-ugnayan sa Diyos, na Siya mismo ang unang nagnanais na makipag-ugnayan sa atin. Amen.