BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Ika-dalawampu’t lima ngayon ng PEBRERO, ginugunita ng sambayanang Filipino ang Ika-tatlumpu’t walong Taong anibersaryo ng makasaysayang EDSA -People Power Revolution 1986. (Pasalamatan natin ang Diyos sa tinamo nating kalayaan mula sa diktatoryang Marcos Senior. At sama-sama nating idalangin sa Diyos na huwag ng mauulit pa ang mapaniil na pamumuno ng isang diktador sa ating bansa, at patuloy na gabayan at ingatan ang ating bayan sa masasamang puwersa na gustong sumira nito. Ito ang ating samo’t dalangin sa ating Panginoon ngayong Panahon ng Kuwaresma.) Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Matutunghayan natin ang Pagbabagong-anyo o Transpigurasyon ng Panginoong Hesus, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata siyam, talata dalawa hanggang sampu.
EBANGHELYO: Mk 9:2-10
Isinama ni Hesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Hesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At nagpakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.” At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Hesus na kasama nila. At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.
PAGNINILAY
Mga kapatid, maraming hindi magagandang pangyayari sa ating bansa, maging sa ilang panig ng mundo na maaaring yumanig sa ating pananampalataya. Marahil nagtatanong tayo, kung totoong may Langit at may Diyos na naghahari sa lahat, bakit hinahayaan Niyang mamayani ang kasamaan at karahasan? Bakit tila walang ginagawa ang Diyos? Sa Ebanghelyo ngayon, nasaksihan natin ang Pagbabagong-anyo o Transpigurasyon ng Panginoong Hesus. Ano nga ba ang kahalagahan ng tagpong ito sa ating pananampalataya? Una, Pagbabadya ito nang nalalapit na pagdating ng Paghahari ng Diyos. kalawa, Iniuugnay si Hesus bilang kaganapan ng mga ipinangangaral ng mga Propeta. katlo, Tanda ito ng pag-asa, sa sandali ng mga pagsubok. At ang Ikaapat at panghuli, paalala ito ni Yahweh na walang ibang dapat pakinggan ang mga Kristiyano kundi si Hesus. Mga kapatid, maaaring minsan nababalot ang ating buhay ng kadiliman. Pero may plano pa rin ang Diyos para sa atin na kakaiba sa ating iniisip. Kaya naman, kailangang makinig tayo sa Kanya upang totoong mamamayani ang Kanyang kalooban. Sa ating may pananampalataya, hindi karahasan o pagkamuhi ang huling salita sa ibabaw ng lupa. Sa halip, si Hesus at ang Kanyang Kaluwalhatian, ang huling salita ng Diyos.
PANALANGIN
Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng karunungang maunawaan ang misteryo ng Iyong Kaharian sa gitna ng dinaranas na kapighatian. Amen.