Is 49:14-15 – Slm 62 – 1 Cor 4:1-5 – Mt 6:24-34
Mt 6:24-34
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Walang makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapababayaan naman ang pangalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.
Kaya sinasabi ko sa inyo: huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba't mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan n'yo ang mga ibon sa Langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma'y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Langit. Di ba't mas mahalaga kayo kaysa mga ibon?
“Sino sa inyo ang makapagdagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? At ba't kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan n'yo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay di nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo—mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan—higit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong kakaunti ang paniniwala!
“Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakainin? Ano ang ating iinumin?O, ano ang ating isusuot? Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito, ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan n'yo ang mga ito. Kaya hanapin n'yo muna ang kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa sinabi ni Jesus na huwag mabahala, hindi Niya ibig sabihin na mabuhay tayo nang walang pagkabahala o umasa na lamang sa suwerte. O kaya, kumain na lamang, uminom at magsaya dahil baka mamatay tayo bukas. Hindi ito ang nais Niyang ipakahulugan; kundi nais Niyang ipaunawa sa atin na kailangan nating lumago sa lubos na pagtitiwala at pagsuko ng sarili sa Kanya. Unahing hanapin ang Kanyang Kaharian at totoong matutuklasan at mararamdaman natin na totoo namang ibibigay ng Diyos ang pangangailangan natin kung ito talaga ang makakabuti ito sa atin. Mga kapatid, hilingin natin sa Diyos na dagdagan pa ang ating pananampalataya at lubos na pagtitiwala sa Kanya.