LUCAS 6:36-38
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. “Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo'y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo'y bibigyan -isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, busog sa magagandang aral ng Panginoon ang Ebanghelyong ating narinig. Pero sa ating pagninilay ngayon, hayaan n’yo akong bigyang pansin ang kahalagahan ng pagkilala sa ating sarili. Masasabing matagal at nagpapatuloy na proceso ang pagkilala sa sarili, hanggang sa ating pagtanda. Nangangailangan ito ng bukas na kamalayang pansinin at suriin ang ating mga reaksyon at pagkilos sa tuwing tayo’y nagagalit, nasasaktan, nabibigo, nawawalan ng pag-asa – na nakakaapekto sa ating pagkatao at sa kapwa. Sa prosesong ito sinisikap nating tuklasin ang dahilan ng ating reaksiyon, na kadalasan nakaugat sa ating mga karanasan noong tayo’y bata pa. Bahagi rin ng pagkilala sa sarili ang paglaan ng panahong manahimik upang suriin nang buong katapatan ang ating angking galing, talino at mga katangian; gayundin naman ang ating pagkukulang, kahinaan at di magandang pag-uugali. Mga kapanalig, mahalagang kilalanin ang ating sarili, nang maiwasan natin ang di-makatarungang paghusga sa kapwa. Kung kilala natin ang ating sarili bilang mahina, nagkakasala at nagsusumikap magpakabuti – magiging mahinahon tayo sa paghusga sa kahinaan ng ating kapwa. Nakakalungkot isipin na sa panahon natin ngayon, maraming tao ang mapanhusga sa kapwa. Mga taong mahilig magtsismis at manira ng kapwa, mga taong laging nakabantay sa pagkakamali ng iba at mga taong nag-aastang perpekto, animo’y napakabanal at hindi na nagkakasala. Alalahanin natin na sa kahuli-hulihan ng ating buhay, sa sandaling makikipagharap tayo sa Panginoon, susukatin Niya tayo sa sukatang ginamit natin sa kapwa. Kung naging maawain at mapagpatawad tayo sa kapwa, ganundin ang gagawin ng Diyos sa atin. Kung naging mapanhusga tayo, huhusgahan din tayo ng ating Ama sa Langit. Kaya mahalagang makilala natin ang ating sarili upang maiwasan natin ang maghusga sa kapwa. Gayun din naman, mahalagang makilala rin natin ang ating kapwa, para maunawaan natin ang kanyang pinanggalingan at pinagdadaanan – at huwag natin silang huhusgahan.