Daughters of Saint Paul

PEBRERO 26, 2020 – MIYERKULES NG ABO (Pag-aayuno at Abstinensya)

EBANGHELYO: MATEO 6:1-6, 16-18

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitang tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan ; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. “Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. …At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. …Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitang tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Seminarian Jess Madrid ng San Carlos Seminary ang pagninilay sa ebanghelyo.  Inaanyayahan tayo ng panahon ng Kuwaresma at ng ebanghelyo na tingnan ang ating kalooban, tingnan ang ating puso.  Ano ang dahilan ng pag gawa mo ng mabuti at ng tama? Ano ang iyong motibasyon? Gumagawa ka ba ng mabuti para sa palakpak ng tao? Para ika’y parangalan at purihin? Paano kung wala na ang palakpak nila? Paano kung wala nang parangal at papuri?  Gagawa ka pa ba ng mabuti? Darating kasi ang panahon na hindi mapapansin at hindi mabibigyang puri ang ating mga ginagawa. Hihinto na lang ba tayo? Mga kapatid, hindi mahalaga na makita ng lahat ang mabuting ating ginagawa. Huwag hanapin ang palakpak ng tao. Palakpak ng Diyos ang mas bigyan natin ng pansin, dahil ang Diyos na nakakakita sa ginagawa natin ng lihim ang magbibigay gantimpala sa atin. Kapag ang Diyos ang motibasyon ng puso, ang mga gawa ay magpapatuloy, magbubunga, at magpapalapit  pa sa atin sa Diyos.  Amen.