Daughters of Saint Paul

PEBRERO 26, 2021 – BIYERNES SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mt 5:20-26 

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.’ Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang manuya sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulis na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”    

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Minsan, pinuri ko ang isang monsignor dahil sa sobrang ganda ng fireworks na ipinahanda niya para sa kapistahan ng Birhen ng Penafrancia. Ang sagot sa akin ng monsignor, “Sister, I won’t settle for less”. Marahil ganito rin ang inaasahan sa atin ng Diyos. Sabi nga sa talata dalawampu ng ating Mabuting Balita ngayon, “kung hindi hihigit ang inyong kabanalan sa kabanalan ng mga Eskriba at Pariseo kayo ay hindi makakapasok sa kaharian ng langit”. Paano ba natin sila hihigitan? Kilalanin muna natin sila. Hindi ba magagaling sila? Marurunong? Very observant ang mga Eskriba at Pariseo sa kanilang batas at rituals. Pero nakalimutan nila ang pinakapuso ng lahat nang ito – ang pagmamahal sa Diyos, na konkretong maipakikita at maipadarama sa pagmamahal sa kapwa, sa halip na husgahan at laitin sila. Kapatid, napakalaki ng hamon sa atin ng Mabuting Balita ngayon. Let us not settle for less. Ayaw ng Diyos sa minimalist. Hindi sapat na bininyagan na tayo at laging nagsisimba. Kundi paano natin isinasabuhay ang salita ng Diyos na ating narinig? Let us aspire for greater holiness. Let us dream of becoming saints. Sundin natin ang kalooban ng Diyos nang may pagmamahal at kagalakan.  Amen.