Daughters of Saint Paul

PEBRERO 26, 2022 – SABADO SA IKAPITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Napansin mo bang may positive energy ang mga kabataan ?  Isang maligayang araw ng Sabado mga Kapanalig! Dakilain natin ang Dios na puno ng habag at awa sa sangnilikha !  Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang samahan kami sa pagninilay ng Mabuting Balita ngayon.

 

EBANGHELYO: Mk 10:13-16

May nagdala kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag n’yo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa Kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya s kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.

PAGNINILAY

Marami na pong video sa facebook ang nagtetrending kung saan nilalapitan ng mga maliliit at inosenteng mga bata si Pope Francis habang siya’y nagtatalumpati o ‘di kaya tuwing mayroon siyang general audience. Nakakatuwa pong panoorin dahil sa maraming pagkakataon ay mukhang may mga nais pumigil sa mga bata na lumapit sa Santo Papa. Ngunit, ang Santo Papa pa nga ang masayang yumayakap, humahalik, nakikipaglaro—at gayundin tulad ni Hesus sa ating ebangheylo ngayong araw—ipinapatong ng Santo Papa ang kanyang mga kamay sa kanilang ulo at pinagpapala sila. Mga kapatid, kinalugdan at iniibig ni Hesus ang bawat kabataan. Batid ng Diyos na Dalisay ang kanilang kalooban, walang bahid ng pagkukunwari, totoo kung magmahal. Habang tayo’y nagkakaedad—itong mga simpleng katangian ng isang bata ang tila ba nawawala sa ating buhay. Narurumihan ng ating pagkamakasalanan, kayabangan, at pagmamataas. Ngayong araw mga kapanalig, siyasatin natin ang ating sarili: childlike ba tayo o childish? Tularan nawa natin ang mga katangian ng bata—sa kabilang banda pahalagahan din natin sila—ang kanilang karapatang mabuhay, mag-aral, kumain at kalingain. Kung tayo’y tutulad sa kanila at pangangalagaan din naman sila, imposibleng hindi ipapatong ng Diyos ang kanyang mga mapagpala’t mapagkalingang kamay din sa atin. Amen.