BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes sa Ikalawang linggo ng Kuwaresma. Dakilain ang Diyos nating mapagkalinga at mapagmahal! Isang mainit na pagbati po ng happy-happy birthday sa lahat ng nagdiriwang ng kaarawan ngayon at sa buong linggong ito. Pagpalain nawa kayo lagi ng ating Panginoon. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Ngayong panahon ng Kuwaresma patuloy tayong tinuturuan ng Panginoon kung paano tayo magiging banal. Ito ang nilalaman ng Mabuting Balita ngayon ayon kay San Lukas kabanata anim, talata tatlumpu’t anim hanggang tatlumpu’t walo.
EBANGHELYO: Luke 6:36-38
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. “Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan -isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Napakaraming aral ang matututunan natin sa Mabuting Balita ngayong araw na ito. Pero iisa lamang ang tema na ibinibigay nito sa atin. Ang bagay na ginawa natin sa ibang tao ay babalik sa atin. Sa ingles, ito ang tinatawag na golden rule. Do to others what you want them do to you. Ang ibig sabihin, anumang mabuting bagay na ginawa natin sa iba ay magbubunga din ng maganda sa ating buhay. Ang masamang ginawa sa iba ay magbubunga ng masama. Kung maganda at maayos ang turing mo sa iyong kapwa, ganoon ding pagtrato ang ibibigay ng iba sa iyo. Ayon nga sa Mabuting Balita, maging maawain tulad ng Ama sa langit. Huwag humatol, nang di ka hatulan. Mga kapatid, sa panahong ito ng kuwaresma inaanyayahan tayong suriin ang ating sarili, ang ating puso at isipan. Paano natin tinatrato ang mga kapwa natin na nagdurusa dahil sa kahirapan? Bukas ba ang ating puso na tulungan ang mga lumalapit sa atin na humihingi ng tulong at awa? At kung ang isang taong malapit sa atin, mahal sa buhay o kaibigan ay nagawan tayo ng masama, handa ba tayong magpatawad at unawain siya? Alam ko, hindi madaling gawin ito. Kailangan natin ang grasya ng Diyos para magkaroon tayo ng sapat na lakas na magpatawad at yakapin muli ang taong nagkasala sa atin. Alalahanin natin ang kasabihang, “to forgive is divine.” Totoo, dahil nakakapagpatawad lamang tayo hindi dahil sa ating kakayahan, kundi dahil sa pamamagitan ng grasya ng Diyos. Sa panahong ito ng kuwaresma, buksan natin ang ating puso sa paanyaya na magmahal lalo na sa mga taong mahirap mahalin, magpatawad sa mga humihingi nito, at sikaping makita ang mukha ni Hesus sa bawat isa. Amen.