MATEO 23:1-12
Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na 'guro' sapagkat isa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n'yong tawaging 'ama' ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na 'gabay' sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n'yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang napapakababa.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, dalawang mahahalagang aral ang nais ituro sa atin ng Panginoon ngayon. Una, magpakatotoo tayo at huwag pakitang-tao lamang ang mga ginagawang kabutihan. Huwag nating tularan ang mga Guro ng Batas at Pariseo na puro pakitang-tao lamang ang mga ginagawang kabutihan, para sila parangalan at papurihan ng tao. Kaya kung nagkakawang-gawa man tayo sa mga mahihirap, nagbibigay ng donasyon sa simbahan o sa mga Foundations na sumusulong ng kapakanan ng mga dukha – huwag na natin itong ipamamalita para umani ng papuri. Mga artista at pulitiko lamang ang kadalasang uhaw sa publicity. Para sa mga artista, kailangan nila ito para makilala at maparangalan ng tao, samantalang ang pulitiko naman, bahagi ito ng kanilang political agenda na makuha ang suporta ng mga tao sa susunod na halalan. Tayong hindi naman mga artista at pulitiko, sikapin nating gumawa ng kabutihan hindi para umani ng papuri at suporta sa mga tao, kundi, para maparangalan ang Diyos sa pamamagitan natin. Ang Ikalawang aral na nais ituro sa atin ng Panginoon, magsilbing mabuting halimbawa tayo lalo na sa mga taong ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Tayo ang unang dapat magsabuhay ng mga itinuturo natin sa iba. Ika nga ng kasabihan, “Practice what you preached or walk your talk.” Hilingin natin sa Diyos ang biyayang makatugon sa hamong magpakatotoo at maging mabuting huwaran sa kapwa.