Daughters of Saint Paul

PEBRERO 27, 2021 – SABADO SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mt 5:43-48 

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala n’yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Lucia Olalia ng Pastorelle Sisters ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ang Diyos ay Pag-ibig. ( 1 Jn 4:8 ; 16}.” Dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.” Tayo ay tinawag na anak ng Diyos at ang tawag natin sa Kanya ay Ama.// Sa Mabuting Balita ngayon, sinasabi ni Hesus,“ Narinig na ninyong sinabi, “ Ibigin ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway. Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo.”// Ang ibigin ang kaibigan ay natural lamang, pero ang ibigin ang kaaway at ipagdasal ang mga umuusig sa atin, ay hindi natin kaya kung sa ating mga sarili lamang tayo aasa. Kailangan natin ang grasya ng Diyos upang maisabuhay ito. Ang umibig ay isang desisyon at hindi lamang isang emosyon. Ito ay pinangaral at isinabuhay ni Hesus. Hiningi niya ng patawad ang mga nagpako sa Kanya sa krus…” Ama patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”( Lucas 23:34)// Ang pag-ibig ng Diyos ay walang pinipili. Ito ay para sa lahat. Pinasisikat Niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak Niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan.  Ito rin ang paanyaya Niya sa atin, ang mahalin ang lahat hindi lamang ang mga nagmamahal sa atin, bagkus ang mahalin din ang umuusig sa atin. Dahil ang  Diyos ay Pag-ibig at tayo’y nilikhang kawangis Niya, marapat lamang na tayo’y magmahalan sa isa’t-isa.// Kapatid, kung mayroon kang itinuturing na kaaway, o kung may umuusig sa iyo, simulan siyang ipagdasal  bilang pagtupad sa hihihingi ni Hesus sa atin. Ngayon na … hindi bukas!