Isang puspos ng pananampalatayang araw mga Kapatid kay Kristo! Nasa ikawalong Linggo na tayo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Pasalamatan natin ang Diyos sa isang Linggong nagdaan, sa mga biyaya at pag-iingat sa atin nitong panahon ng pandemya. Ito po muli si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nagaanyayang muli. Buksan natin ang ating puso at isip sa liwanag ng Banal na Espiritu. Pakinggan natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata anim, talata tatlumpu’t siyam hanggang apatnapu’t lima.
EBANGHELYO: Lk 6:39-45
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Ba’t mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Lines ang ating gabay sa pagninilay ngayon. Hitik sa aral ang Ebanghelyong ating narinig. Pero, sa pagninilay natin ngayon, hayaan po ninyong pagtuunan natin ng pansin ang tamang pamumuna sa kamalian ng ating kapwa. Bago natin punahin ang kanilang pagkakamali , suriin muna natin ang ating intensiyon. Nanggagaling ba sa tunay na malasakit ang gagawin kong pamumuna? Makakatulong ba ito para maging maayos ang samahan o lumalim ang ugnayan at pakikipagkaibigan? Magdudulot ba ito ng positibong pagbabago sa pakikitungo sa isa’t isa? Kung “oo ang sagot natin sa mga katanungang ito, mabuti ang ating hangarin sa gagawin nating pamumuna. Pero, kahit mabuti ang ating hangarin , alam natin na hindi lahat ng tao bukas at nakahandang tumanggap ng pamumuna. May mga pagkakataong mamasamain nila ito. At magiging dahilan pa upang magalit at tuluyang lumayo sila sa atin. At higit sa lahat, kukuwestiyunin nila ang ating kredibilidad o “moral authority.” Anong karapatan mong ituwid ako, gayong ikaw din naman gumagawa din ng pagkakamali ng iba, baka dahil tayo ang balikan? Kaya nga sinasabi ng Panginoon sa ebanghelyo “Bat mo titingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo?” Kaya mga kapatid, napakahalagang pangunahan ng dasal at ipagdasal ang taong gusto nating punahin at ituwid. Dahil ang Diyos na mismo ang kikilos at mangunguna para sa isang mabungang pag-uusap at pagtutuwid sa kapwa nang may pagmamahal.