BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Purihin ang Diyos sa pagpahiram sa atin ng panibagong buhay at kalakasan at sa mga biyayang inilaan Niya sa atin ngayon. Araw-araw inaanyayahan tayo ng Panginoon na huwag pakitang-tao lamang ang mga ginagawa nating kabutihan, at magsilbi tayong huwaran sa ating kapwa. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t tatlo talata isa hanggang labindalawa.
EBANGHELYO: Mt 23:1-12
Sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Nginit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat isa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n’yong tawaging ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n’yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang napapakababa.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Baste Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang Deskripsyon ng isang tao ang nagsisilbing kabuuan ng kanyang pagkatao. Kaya sa anumang larangan mapa edukasyon man, sports, o ano mang mga patimpalak, kailangan ikaw ang dapat nangunguna sa lahat ng aspeto ng buhay, dahil tiyak na titingilain ka at pagsisilbihan ng mundo. Kagaya ng mga Pariseo at mga eskriba sa ating ebanghelyo ngayon, sila ay may reputasyon na maalam sa batas. Dahil dito mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. (Halos perpekto ang pagtiningin nila sa kanilang mga sarili. Kaya naman ang kabanalan para sa kanila ay paglayo ng kanilang mga sarili mula sa makasalanan. Ganyan ang kanilang deskripsyon- sila ay maalam, sila ang nasa taas kaya dapat sila ang pagsilbihan.) Ang ating Panginoong Hesukristo ay tunay na tao at Diyos. Nasa sinapupunan pa lang siya, Diyos na siya. Kaya naman sanggol pa lamang siya, siya na ang pinakamataas, sa lahat ng nilalang. Pero, hindi ito ginamit ng ating Panginoong Hesukristo upang maghari, nang naayon sa standard ng mundo. Ginamit niya ang kanyang pagkahari, pagiging mataas o pagiging Diyos sa pagsisilbi. Saan ba tayo makakakita ng Diyos, na siya mismo ang umiikot sa mundo upang pagsilbihan ang mga taong nangangailangan? Wala! Kundi ang Panginoong Hesus lamang. Sa ating mabuting balita sinabi ng Panginoon: “Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo.” Mga kapatid, sa mata ng Diyos ang daan papunta sa taas ay pagpapakababa. Kung tayo ay nakakatanggap ng promotion o kaya itinataas ng mundo, sundin natin ang standard ni Hesus- mas lalo tayong dapat magsilbi o tumulong sa mga taong nangangailangan.