Daughters of Saint Paul

PEBRERO 28, 2018 MIYERKULES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

MATEO 20:17-28

Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa, at habang nasa daan ay sinabi niya sa kanila: Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng itkamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya naming.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gusting maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gusting mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo ngayon, minsan pang ibinunyag ng Panginoon sa Kanyang mga alagad kung ano ang naghihintay sa kanila sa Jerusalem:  ang Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay, para tubusin tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan.  Sa kasamaang palad, hindi naunawaan ng mga alagad ang mga pananalita ni Jesus na hitik sa kahulugan.  Abala sa paghahangad ng mataas na posisyon sina Jaime at Juan sa kahariang pulitikal na inaakala nilang itatatag ni Jesus. Nagalit naman ang iba sa kanila malamang dahil sa inggit.  Sa tagpong ito, inilarawan sa kanila ng Panginoon ang tunay na namumunong-lingkod o servant leader.  Ang Anak ng Tao na naparito upang maglingkod hindi upang paglingkuran.  Mga kapanalig, anumang tungkulin o paglilingkod ang ginagampanan natin sa ngayon, inaanyayahan tayo ng Panginoong tularan Siya sa pagiging servant leader.  Isang pinunong hindi naghahari-harian at pinagsisilbihin, sa halip naglilingkod nang may pagmamahal at kababaang-loob at hindi naghihintay ng kapalit.