EBANGHELYO: MATEO 9:14-15
Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Seminarian Jess Madrid ng San Carlos Seminary ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.Sa simula ng aking pagninilay, iniimbitahan ko kayo na mag-isip ng taong mahalaga para sa inyo, taong mahal na mahal ninyo at mahal na mahal kayo. Tapos isipin ninyo na kasama ninyo sila. Hindi ba ang saya? Kapag andyan sila, para bang lahat ng kaya nating maibigay, maibibigay natin. Hindi tayo magtitipid para sa taong minamahal natin. Tapos kapag nawala sila sa ating piling, nagkakaroon ng kalungkutan sa ating mga puso./ Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng ebanghelyo ngayon na kapag kapiling natin ang Panginoong Hesus wala nang pagdadalamhati, wala nang kalungkutan. Tunay na kaligayahan ang dala ng presensya ng Panginoon sa ating buhay. Mahalaga Siya para sa atin at tayo’y mahalaga para sa Kanya. Kaya ito ang dapat nating pagsumikapan, na maging bukas nawa tayong tanggapin si Hesus sa ating buhay. Dahil tanging Siya lamang makapupuno ng lahat ng kulang sa atin; ang makapagbibigay ng kaligayahan na hinahanap ng ating puso. Kapag hinanap natin ito sa tao, nakararanas tayo ng pagkabigo, nagkakaroon ng pagdadalamhati at kalungkutan ang ating puso. Pero kapag ang Panginoong Hesus ang ating masumpungan, may saya sa kabila ng kapighatian; may pag-asa sa kabila ng kawalan. Paano ba nawawala ang Panginoong Hesus sa buhay ng tao? Ang totoo, hindi naman talaga siya nawawala. Tayo ang nawawala sa piling Niya, sa tuwing mas pinipili nating mamuhay ng taliwas sa Kanyang kalooban, sa tuwing namumuhay tayo sa kasalanan. Pero kahit na nga tayo’y magkasala, at tumalikod sa Kanyang pag-ibig, patuloy Niyang hinihintay ang ating pagbabalik. Mga kapatid, ngayong panahon ng Kuwaresma, pagnilayan natin kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Sinugo Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak na si Hesus upang iligtas tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan. Ano ang tugon mo sa dakilang pagmamahal sayo ng Diyos?