Daughters of Saint Paul

PEBRERO 28, 2021 – IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mk 9:2-10 

Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa naman para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. At may ulap na lumililim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya”. At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila. At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kelan ka huling nakinig sa iyong kapwa? Isang araw meron isang bata na ginabi nang pag-uwi. Sa kanyang pagdating agad itong tinanong ng kanyang nag-aalalang ina, “Anak saan ka nanggaling?” Kaagad humingi ng paumanhin ang bata at nagsabi, “Nay ginabi po ako, dahil sa tinulungan ko po ang kaibigan ko na nasiraan ng bisekleta.” “Pero, ‘nak paano mo tinulungan ang kaibigan mo, eh hindi ka naman marunong mag-ayos ng isang nasirang bisekleta?”, tanong ng nagtatakang ina. Kaagad na sumagot ang bata, “Sinamahan ko po siya nang marinig ko po na siya’y umiiyak.” Mga kapatid, maraming nagagawang kabutihan ang isang simpleng pakikinig. Sabi ni Pope Francis, ang pakikinig ang unang hakbang ng paglalakbay sa buhay pananampalataya. Sa pagsisimula ng ikalawang linggo ng Kwaresma, pinapaalala sa atin ng Mabuting Balita na makinig tayo kay Hesus. Siya’y iniibig na Anak ng Diyos. Kaya sa ating panalangin, maglaan tayo ng oras na basahin at pagnilayan ang Salita ng Diyos. Isa ring uri ng pag-aayuno ang pagtanggal ng tsismis sa ating mga pag-uusap. Sa halip, tulad ng bata sa kwento, dagdagan natin ang panahon na tulungan, samahan at pakinggan ang ating kapwa at mga mahal sa buhay. Amen.