EBANGHELYO: LUCAS 5:27-32
Nakita ni Jesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo ang maraming kolektor ng buwis at iba pang nga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo sa mga alagad ni Jesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Ba’t kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at nang mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Bawal magkasakit. Mahirap magkasakit. Mahal magkasakit! Ilang beses mo na bang narinig ang mungkahing ito? Sa ebanghelyo, merong tinutukoy na isang uri ng sakit si Hesus. Inihalintulad ng Panginoon ang mga makasalanan bilang mga taong maysakit na nangangailangan ng doktor./ Kapag tayo’y nagkasakit, mahalagang sundin ang payo ng doktor, bilhin at inumin ang mga gamot na inireseta nito sa atin, nang mabilis tayo gumaling sa ating pisikal na karamdaman. Gayon din naman kay Hesus, ang Diyos na Mapagpagaling. Meron Siyang “resetang ispiritwal” na ipinamamahagi ng Kanyang simbahan, na isang “field hospital”, ayon kay Pope Francis. Pagbabalik-loob ang pangunahing nilalaman nito. Mahalagang sundin natin ito bilang patunay sa pagnanais nating magkaroon ng bagong buhay kasama si Kristo./ Kaya sa pagsisimula muli ng Panahon ng Kwaresma, katulad ng ginawa ni Levi sa ebanghelyo, tumayo tayo sa ating kinaroroonan at lumapit tayo kay Hesus sa Sakramento ng Kumpisal. Bilang mga Katoliko, kailangan natin tumanggap ng sakramentong ito kahit isang beses lamang sa isang taon. H’wag mag-alala. Sa sakramentong ito, hindi magagalit sa atin ang Diyos. Hindi rin N’ya tayo kinokonsente. Makakaasa tayo na, sa tuwing tayo’y nangungumpisal, magiliw tayong sinasalubong, mahigpit na niyayakap, muling pinapatawad at lalong iniibig ni Hesus, ang Diyos na Mapagpagaling.//
PANALANGIN:
Panginoon, bigyan po ninyo kami ng lakas na lapitan ka sa Sakramento ng Kumpisal at buong pusong tanggapin ang biyaya ng iyong pagpapatawad. Amen.