Daughters of Saint Paul

PEBRERO 29, 2024 –  Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma 

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa papatapos nang buwan ng PEBRERO.  Pasalamatan natin Siya sa lahat ng kaganapan sa buong buwan, lalo na sa mga biyaya at pagpapalang tinanggap natin.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang samantalahin ang bawat sandaling pinapahiram sa atin ng Diyos upang gumawa ng mabuti ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata Labing-anim, talata labing-siyam hanggang tatlumpu’t isa.

EBANGHELYO:  Lk 16:19-31

Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyeta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya…sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo  naman si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawain ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ “Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na kabundukang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid…ang mula riyan papunta rito.’ “Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro  sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang hindi sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila sa Moises at ang Mga   Propeta, makinig sila sa mga ito.’ Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa  mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ “Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala.’”    

Pagninilay: 

Isinulat ni Fr. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Narinig mo na bang sabihin ito ng iyong sarili o sinabi ng ibang tao? “Sayang naman…hindi ko ito nagawa noon, sayang naman sana dati…” Masasabing ang ganitong mga salita ay nagpapakita ng labis na panghihinayang, Sayang. Mga sandali na nasayang, naaksaya, lumipas, na madalas hindi na mababalikan. Tumatakbo ang oras, lahat tayo lilipas. Sabi nga ng isang awit: Minsan lamang ako daraan sa daigdig na ito, kaya anuman ang mabuting maaring gawin ko ngayon.)  Sa ebanghelyo, narinig natin ang kwento ng isang mayaman, na namuhay sa kanyang luho, at si Lazaro na mahirap at may sakit. Dumating ang araw na pareho silang pumanaw. Labis ang panghihinayang ng mayaman, dahil hindi na siya makababalik sa dati, hindi rin niya magagawa ang paalalahanan ang kanyang mga kaanak na naiwan. Wala na. Sayang, sana noon nakagawa siya ng kabutihan sa kanyang kapwa.  Mga kapatid, ipinapaalala sa atin ng mga pagbasa ngayon, na maging mulat sa bawat pagkakataon, na ibinibigay sa atin araw-araw ng Diyos. Araw-araw, nasa paligid natin ang paanyaya na Diyos, na gumawa ng mabuti sa ating kapwa. Nariyan sila sa ating paligid. Ipinapaalala sa atin ng mga propeta, ng Banal na Kasulatan, ng mga turo ng simbahan ang kabutihan na dapat nating isabuhay. Huwag nating hintayin na mahuli ang lahat, bago tayo magbago at magpakabuti. Gaya ng paalala ng awit…O anumang kabutihan ang maari kong ipadama, itulot ninyong magawa ko ngayon ang mga bagay na ito. Nawa’y huwag ko itong ipagpaliban, ni ipagwalang bahala, sapagkat di na ko muling daraan sa ganitong mga landas. Habang may panahon pa, bumangon ka at gumawa ng mabuti sa iba. Amen.