Daughters of Saint Paul

Pebrero 3, 2017 BIYERNES Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Blas, obispo at martir San Ansgar, Obispo

 

Heb 13:1-8 – Slm 27 – Mk 6:14-29

Mk 6:14-29

Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus sapagkat tumanyag na ang kanyang pangalan. May nagsasabing nabuhay si Juan Bautista mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan. Sinabi naman ng iba:  “Si Elias nga ito,”  at ng iba pa:  “Ito ay isang propeta gaya ng mga ibang propeta noon.”  Nang mabalitaan ito ni Herodes ay sinabi niya: “Nabuhay nga sa mga patay si Juan na pinapugutan ko ng ulo.”

Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes:  “Hindi ka puwedeng pumisan sa asawa ng iyong kapatid.”  Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma'y gusto pa rin niya itong marinig.

At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita:  “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.”  At sinumpaan pa niya ang pangakong ito:

Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.”  Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina:  “Ano ang hihingin ko?”  At sumagot naman ito:  “Ang ulo ni Juan Bautista.”  Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi:  “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”

Nasaktan ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita, at ibinigay  naman ito ng dalagita sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.

PAGNINILAY

Mga kapatid, namatay si Juan Bautista dahil binatikos niya ang pangangalunya nina Herodes at Herodias.  Naging buo ang loob niya, matatag ang pananampalataya, at naging tapat sa kanyang misyon ano man ang maging kapalit nito.  Suriin naman natin ang ating sarili.  Malakas din ba ang ating loob na magsalita kung may napapansin tayong hindi tama sa sistema o imoral na gawain ng ating kaibigan, kamag-anak, ka-opisina o kapitbahay?  Sa kalagayan ng ating bansa ngayon na namamayagpag ang patayan, tatanggapin na lang ba natin ang kalakarang ito bilang new normal sa ating lipunan? Mananahimik na lang ba tayo sa gitna nang karumaldumal na gawain?  Totoo, na mahirap magsalita lalo na kung ang binabangga mo isang lider na makapangyarihan katulad ni Herodes.  Pero tao pa rin siya, na kailanma’y hindi hihigit sa Diyos ang kanyang kapangyarihan.  Matindi ang pangangailangan natin ngayon ng panibagong Juan Bautista na buong tapang na sasalungat at tutuligsa sa agos ng kasamaan.  Ikaw ba iyon kapatid?