EBANGHELYO: Mk 6:1-6
Pumunta si Jesus sa kanyang bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: ”Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanya mga kamay? Hindi ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: ”Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At wala siyang ginawang himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Lucia Olalia ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa Ebanghelyo. Si Hesus ay nangaral at maraming napagaling na mga maysakit sa iba’t ibang lugar. Marami ang sumunod at naniwala sa kanyang mga aral./ Pumunta din siya sa kanilang bayan sa Nazareth. Doon, kilala siya na anak ng isang karpintero at galing sa karaniwang pamilya lamang. Kilala din ang kanyang mga kaanak. Marami ang nagtanong kung saan niya kinuha ang kanyang mga kaalaman sa Banal na Kasulatan gayong hindi naman siya nakapag-aral sa anomang paaralan para sa ganitong karunungan. Tinatanong din nila kung saan galing ang kanyang kapangyarihang magpagaling ng mga may karamdaman. Sa madaling salita, hinusgahan nila si Hesus at hindi sila naniwala nang lubusan, kaya’t kaunti lang ang nagawa at napagaling ni Hesus sa sarili niyang bayan. Mga kapatid, kadalasan ganito rin ang marami sa atin. Inilalagay sa isang “kahon” ang mga tao at hirap tayong tanggapin kung hindi ito naaayon sa ating pamantayan. Hindi nabibigyan ng pagkakataon na makagawa ng mabuti dahil karaniwang pamilya lang ang kanilang kinalakihan. Sayang!/ Kagaya ba tayo ng mga taga Nazareth? Hilingin natin kay Hesus na buksan Niya ang ating mga mata, ang ating mga tainga upang marinig at maintindihan ang Mabuting Balita. Ipaubaya natin ang ating mga sarili sa Kanya at hilinging pagalingin tayo sa ating mga karamdaman.
PANALANGIN
Panginoong Hesus, hilumin Mo po ang aming buong pagkatao, alisin Mo po sa amin ang lahat ng hindi naayon sa Iyong kagustuhan. Pagalingin Mo po ang mga maysakit na pisikal, emosyonal at spiritual sa aming lahat. Ito ang aming samo’t dalangin… Amen.