Mapayapang araw ng Huwebes mga kapatid kay Kristo! Purihin natin ang Panginoon sa biyayang mamulat muli sa kanyang pag-ibig. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyayang masilayan muli ang kagandahan ng bagong araw.Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na humayo ng tigdadalawa, at manalig na bibigyan sila ng sapat na kanilang kinakailangan. Ito po muli si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.Nababatid ng Panginoon ang ating pang-araw araw na pangangailangan kaya inaanyayahan Niya tayong magtiwala nang lubos sa Kanyang kagandahang-loob. Pakinggan natin ito sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata anim, talata pito hanggang labintatlo.
EBANGHELYO: Mk 6:7-13
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy n’yo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis n’yo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.
PAGNINILAY
Kapanalig kapag tinakpan mong dulo ng daliri ang parehong tainga, maririnig mo ang“sound wave” ng iyong dugo sa kaibuturan ng iyong katawan. Sa soundwave na ito, naiisip ko ang natatanging bukal. Ang Diyos. Patuloy Siyang tumatawag sa kailaliman ng dagat ng ating buhay. Umaalingawngaw ang tinig Niya sa kaibuturan ng ating pagkatao. Isang konkretong tagpo ay ang pagtawag ni Jesus sa kanyang mga disipulo. Tinawag, sinugo, binigyan ng kapangyarihan sa masasamang espiritu. // Lahat tayo, tumanggap ng ganitong identity and mission mula sa Panginoon. Tinawag Niya tayo at patuloy na tinatawag. Ang Diyos ang pumili sa atin na bigyang buhay. At sa taglay natin na Banal na Espiritu, likas sa atin na talunin ang masasama. Ngayong panahon ng paghahanda natin bilang Simbahan sa Synod of Synodality para sa 2023, inaanyayahan tayo ni Jesus napakinggang mabuti ang taghoy, huni, ugong ng ating mga kapatid, ng sangkatauhan, ng sangkalupaan, kasama na ang lahat ng kalikasan, May pintig, may tunog, may sound wave. Ikaw, kapanalig, nais kang marinig ng ating Simbahan. Ang hiling nga ni Pope Francis, marinig ang iyong tinig kung ano ang pintig ng puso mo hinggil sa ating Simbahan, ano ang taghoy ng iyong pamilya, ng iyong parokya? Ganundin na kung paano mo isinasabuhay ang misyon ni JesuKristo sangayon na patuloy ang pandemia, o sa oras na nasasaksihan mo ang kawalan ng katarungan? Ano’ng tinig ang iyong pinakinggan at tinulungan kapagnanaghoy ang kalikasan? Mula sa tangis ng karamdaman, dala mo ba ang tibok ng pag-asa? Sa pintig ng nanghihinang pag-asa, nagdudulot ka ba ng matibay na tinig ng pananampalataya? Sa ugong ng kawalan ng pananampalataya, naipadamamoba ang sigla ng pintig ng iyong pagmamahal? Muli nga, ang dalawa nating daliri, takpan ang butas ng tainga… Ano’ng soundwave ang iyong naririnig?