Daughters of Saint Paul

PEBRERO 3, 2024 – Sabado sa Ika-4 na Linggo ng Karaniwang Panahon | San Blas, Obispo at martir, at San Oscar, obispo

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Ikatlo ngayon ng PEBRERO, ginugunita natin sina San Blas na isang Obispo at martir, at si San Oscar na isang Obispo.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagkahabag ni Hesus sa mga taong patuloy na sumusunod sa kanya at sa mga alagad, dahil para silang mga tupang walang pastol, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata anim, talata tatlumpu hanggang tatlumpu’t apat.

EBANGHELYO: Mk 6:30-34 

Pagbalik ng mga apostol kay Hesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman ni niya sa kanila:”Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa sa kanila. Pagdating ni Hesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemma Ria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nakita ng ating Hesus Maestro ang kapal ng mga tao, na parang mga tupa na walang nag-aalaga. Pinangunahan Siya ng habag sa mga tao, at feel Niya ang urgency to solve the issue. Ang pagtuturo ang naging focus Niya para sa kanila bilang Mabuting Pastol.  Naging Guro Siya sa Kanyang kawan. Sa ating Simbahan, may tinatawag tayong Church Magisterium. Ito ang official teaching authority, lalo na ang ating Banal na Papa at mga Obispo. Gawain nila ang ipaliwanag at pangalagaan ang katotohanan ng ating pananampalataya, na base sa Banal na Kasulatan at ng Banal na Tradisyon. Alam natin na ang Banal na Kasulatan, ay kalipunan ng mga Salita ng Diyos, na ang Diyos mismo ang humirang sa mga Manunulat, at nagbigay sa kanila ng inspirasyon. Ang Tradisyon naman ay ang pananampalataya, na isinalin sa atin ng mga Apostol, na mismong natutuhan nila mula sa ating Hesus Maestro. Ang mga ito ang nagsusustena sa ating pananampalatayang Kristiyano, at sa kung paano natin ito maisasabuhay. Tayo naman, inaasahang maging buhay na saksi ng turo ng ating Simbahan. Hindi lang tayo kawan na tumatanggap, kundi kawan na mga responsable, at handang ipagtanggol ang pananampalataya. Nasa atin ang Espiritu ng Katotohanan, para gabayan tayo bilang evangelizing Christians. Hilingin din natin sa Espiritu ng Katotohanan, na pag-alabin ang ating puso, nang makatugon tayo sa mga nagugutom at nauuhaw sa turo ng ating Simbahan.