Daughters of Saint Paul

Pebrero 4, 2017 SABADO Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Andres Corsini

Heb 13:15-17, 20-21 – Slm 23 – Mk 6:30-34

Mk 6:30-34

Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila:  “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.”  Sapagkat doo'y marami ang paroo't parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar.

Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa kanila.

Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.

PAGNINILAY

Mga kapatid, pagod ang mga alagad matapos ang kanilang misyon, kaya naman niyaya sila ni Jesus na magpahinga.  Alam nga ng Panginoon, na kailangan nating magpahinga kung pagod tayo.  Sa pagpapahinga kasi, bukod sa napapanibago nito ang lakas natin, ito rin ang tamang pagkakataon upang mapagnilayan ang mga karanasan natin.  Habang namamahinga, inaasahan ng Panginoong masuri ang ating sarili kung naaayon pa ba sa Kanyang kalooban ang mga ginagawa natin.  Sa pagpapahinga din, nararamdaman natin ang lakas ng “hininga” na inihandog sa atin ng ating Panginoon.  Ito ang RUAH, ang Espiritu ng ating Diyos, ang hininga ng buhay.  Sa pagpapahinga, nararamdaman natin ang ating kahinaan – ang ating pagkangalay sa pagbuhat ng mabigat; o hapdi ng mata, dahil babad tayo sa computer at paper works; o kaya sakit ng kalooban, dahil may nainkwentro tayong kasamahan at hindi tayo nagkaintindihan.  At sa pagdaing natin ng ating sakit, hinihintay ng Panginoong ialay natin sa Kanya ang ating kahinaan at mga tiisin.  Sa ganitong paraan, kinikilala nating wala tayong magagawa kung wala Siya.  Kinikilala nating, Siya ang pinagmumulan ng ating lakas, upang makayanan ang mga pagsubok sa buhay.   Mga kapatid, mahalaga ang oras ng pagpapahinga, dahil napapanatag nito ang ating kalooban, nagbibigay linaw ng isip at nagdudulot ng panibagong lakas at inspirasyon, na tanging Diyos lang ang makapagbibigay.  Manalangin tayo.  Panginoon, sa gitna ng aking mga pinagkakaabalahan turuan Mo po akong magpahinga, manahimik at magdasal upang mapanibago ang aking lakas na harapin ang bukas.  Amen.